Ang Tatlong Mukha ni Maria (Mary Joy)

Mary Joy


“Sa isang araw ulit tayo magkita” sabi sa akin ni Ted sabay halik sa pisngi ko. Bumukas ang pinto at tuluyan na syang umalis.

Naiwan akong mag-isa sa kwartong malamlam ang ilaw.

May tapis na kumot sa hubad na katawan at nakatingala sa kisame.

Muli kong naalala kung bakit ako napasok sa ganitong trabaho.

Grade 5 ako nung naghiwalay ang mga magulang ko. Kasama ang tatlong nakakabata kong mga kapatid, lumuwas kami ng Maynila. Mas maalwan daw ang buhay dito sabi ni Mama.

Nakitira kami sa isang kakilala ni Mama. Doon din sa lugar na ‘yon nya nakilala si Uncle Dolfo.

Mabait si Uncle Dolfo. Maalaga sa aming mga magkakapatid. Itinuring kaming parang mga tunay na anak.

Nag-iba ang tingin ko sa kanya nung minsang umuwi syang lasing. Wala si Mama nun dahil nasa sugalan na naman.

Natutulog na kaming magkakapatid nang maramdaman ko na mayroong humahawak sa binti ko.

Si Unlce Dolfo ang nasa paanan ko. Bigla nyang tinakluban ang aking bibig at parang baboy na sinubasob ang aking leeg.

Unti-unting pumatak ang luha ko kasabay ng pagpatak ng aking saplot sa sahig.

Ilang beses pang nangyari ang ganung eksena hanggang sa naging manhid na ako. Wala na akong pakialam kung anong pambababoy pa ang gawin nya sa akin.

Isang gabi habang ginagawan ako ng kahalayan ni Uncle Dolfo, dumating si Mama at naabutan nya ang eksena.

Agad kumuha si Mama ng kutsilyo at walang awang pinagsasaksak si Uncle Dolfo.

Nakulong si Mama at napapunta kaming magkakapatid sa bahay ampunan.

Makalipas ang ilang taon, sariwa pa din sa ala-ala ko kung bakit ako nandito sa kwarto kung saan merong malamlam na ilaw.

Nakatitig sa kisame.

May tapis na kumot sa hubad na katawan.

Nag-iisa.

Pumapatak ang luha.

Gustong takasan ang nakaraan.

Magsimula muli kasama ang aking mga kapatid.