Dagling Sagi ng Isip (2)

Walang pagsidlan ang kaligayahan ko kapag kasama kita,

Pero tila inipit ng langit at lupa kapag wala ka.

Nilulunod sa pait ng alak at usok ng sigarilyo,

Ang bawat sandaling wala ka sa tabi ko.

Tila isang tahimik na paraiso ang natagpuan ko sa’yo

Nakakalimutan ang problema at gulo ng mundo.

Tila isang batang nakayupyop sa dibdib mo,

Habang humihikbi at hinahagod ang likod ko.

Sa bawat halakhak na ating pinagsaluhan,

Tila walang katapusan ang ating kaligayahan.

Kapwa natin pinupunasan ang luha na pumapatak sa mata ng isa’t-isa.

Bawat sandaling pinagsasamahan,

Ninanais na wala ng katapusan.

Kailan ko kaya muli mararamdaman,

ang pagmamahal mo na walang hanggan.

Alam natin na ito ay hindi lamang panandalian

Dahil ito ay busilak na pagmamahalan.

Mga pangarap natin ay unti-unting binuo,

At magkahawak ang kamay natin sa pagtupad nito.

Sa bawat pagsubok ng buhay,

Alam mo na laging may nakahawak sa’yong kamay.

Sa pagpikit ng aking mga mata ngayong gabi,

Wala akong ibang dadalhin sa panaginip kundi ang matamis mong ngiti.