Ako si Kuya Mao — Batanguenyo

Nung magpakontes si Kuya Blue ng Saranggola Blog Awards tungkol sa kung sino ka at kung san ka nagsimula, ito sana ang entry ko.

Simulan ang pagpapakilala.

Ako si Kuya Mao — isang true blue Batanguenyo.
Ipinanganak at lumaki ang sa probinsya ng matatapang na kung minsan ay nasasabihang pangkal at pantog. Kilala ang aking ipinagmamalaking probinsya sa paggawa ng balisong at ng mga magarang Barong Tagalog.

Dine sa amin halos lahat ay magkakakilala palibhasa’y magkakahanggan.

Sa buong lalawigan, dine sa aming bayan nakatira ang mga dakila ayt kilalang bayani gaya ng dating Pangulong Jose P. Laurel at ang Dakilang paralitiko’t Utak ng Katipunan na si Apolinario Mabini.

Dine sa amin palibhasa’y probinsya, simple ang buhay.

Tuwing tag-araw ay nagpapalipad ng papagayon. Patayugan ang labanan. Kung minsan pa ay mga de sumba ang itinatalang at patiran ng liting ang labanan. Pagkikiskisin ang mga liting at ang unang mapigtaw ang siyang talo.

Sa isang tipikal na probinsya, hindi mawawala ang huntahan sa mga tarangkahan. At syempre, mas masarap ang huntahan kung may kasamang barek.

Noon ay lagi akong binibiro ng mga tiyuhin ko mula Bulacan at Maynila kung may nauso na ga daw na ibang alak dine sa amin bukod sa kwatro. Pero hindi naman ibig sabihin ang mga tao dine sa amin eh lasenggo.

Naranasan ko noon na bumarek kada Biyernes ng hapon. Masarap ang barikan lalo na kung ang pulutan eh bayawak na nasilo sa agbang. Minsan nga lang ay bangkalang ang nahuhuli kaya ang pulutan na lang ay mani.

Palibhasa’y probinsya, ang madalas naming paglabahan noon ng mga tubal ay ilog.

Naalala ko noon na kasakasama pa kami nila Erpat at Ermat sa ilog para maglaba ng mga tubal ng isang linggo. Magdadala ng kalderong pagsasaingan. Dahil nature tripping ang peg, pinais na ayungin o kahit anong isda ang ulam at kung minsan eh me binangi na karne ng baboy o isda. Bago magsasakol sa pagkain. Tapos sasalok ng masarap at malamig na tubig sa bukal. Panalo!

Naranasan ko noon ang mambalibang ng mangga. Palibhasa’y mabanas, magpapahinga sa lilong ng punong mangga, iyon pala’y mambabalibang na. Ayos kung may makukuha. Isasaw sa isang platitong alamang, ayos ng meryenda at pulutan. Huwag laang magpapahuli sa may gawa at siguradong karibok na sa pagpatikar.

Marami akong kalokohan nung kabataan ko. At hindi ko maipagkakailang ako’y isang probinsyano na tuwing sasalta sa Maynila ay lagi ng nakatanghod sa bintana at tinitingnan ang mga matatayog na gusali sa syudad.

Ako ay isang probinsyano na may simpleng pangarap — na ipakilala ang sarili ko sa mundo.

Huwag kang magtataka kung isang araw ay mababasa mo dine ay mga salitang hindi maarok. Sadya laang dine sa amin ay garne ang salita. Akala mo’y lagi nang magkababag sa lakas ng boses.

Huwag kang matatakot pumasyal sa lugar ng matatapang dahil ‘yan ay sa tingin laang. Ang mga tao dine mababait. Suminsay ka minsan ng mapatunayan mo.

Advertisements

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s