Pait ng Halik

“Ahahahahahaha!”

Malutong ang halakhak ni Rosa habang hinahabol ko sya sa may dalampasigan.

Payapa ang alon sa malawak na karagatan.

Maganda ang tapon ng sinag ng papalubog na araw sa amin habang kami ay naghaharutan habang nagbabasaan ng kainamang alat ng tubig-dagat.

Tila isang malaking post card ang nasa harapan ko ngayon.

Hindi ko alam na maari palang mangyari ang ganito kagandang eksena sa tunay na buhay.

*****

Unang pasok ko pa lamang sa opisina ng makita ko si Rosa — sya ang receptionist ng aming kumpanya.

Hindi ako agad nakapagsalita nang makaharap ko sya. Akala ko ay isang anghel na inihulog ng langit ang nasa harapan ko.

“Excuse me, sir?” sabi ng kanyang malambing na tinig na tila isang yerong pinupunit.

“Sir, may I help you?” ulit nya.

“Sir,bawal po mamalimos dito” sabi niya na parang medyo naiirita.

Tsaka lang ulit bumalik ang aking kaluluwa sa katawang lupa ko.

“Ay naku! Sorry Miss. Hindi naman ako magpapalimos eh. Ako ‘yung bagong messenger dito.” ramdam ko ang pamumula ng aking mukha dahil nahalata nya atang magatal akong nakatitig sa kanya.

“Ah… Ikaw ba si Johnson?” tanong nya.

“Ah oo. Ikaw? Ano pangalan mo?” kunwari ay hindi ko nabasa ang kanyang pangalan na nakalagay sa may kaliwa niyang dibdib sabay abot ng aking kamay.

“Ah sige. Akyat ka na sa opisina ni Mr. Garcia. Kalahating araw ka nang late.” sabi nya habang nakatutok ang mata sa monitor ng computer nya.

Napakamot na lang ako bumbunan ko kahit hindi makati habang papalayo ako sa kanyang lamesa.

Tsk.

Maganda sana, kaya lang computer nerd.

*****

Hindi ako mapakali ng mga sumunod na araw, linggo, buwan hanggang umabot na ng isang taon.

Simula nang makita si Rosa sa opisina namin at marinig ang kanyang malamyos na boses, hindi na sya mawala sa isip ko. Sa tuwing nakikita ko naman sya ay tila may tatlong dosenang kabayong naguunahan sa dibdib ko dahil sa lakas ng kaba ko.

Madalas din akong mapagalitan ni Mr. Garcia dahil laging sa may reception area ako tumatabay. Pati si Manong Caloy na janitor namin eh napapagalitan ako dahil inaagawan ko daw sya ng trabaho. Gustong-gusto ko kasi laging walisan at lampasuhin ang reception area.

In love na nga yata ako kay Rosa.

Lagi na lang lutang ang isip ko basta nakikita ko sya.

Pero ang marami din namang nabago sa sarili ko dahil sa pag-ibig ko sa kanya.

Nasanay na akong magsepilyo isang beses isang araw.

Natuto na akong magsuot ng plantsadong tubal.

Naglalagay na din ako ng tawas sa kaliwang kilikili.

At higit sa lahat, nagti-trim na ako ng tutsang ko ngayon.

Sa tingin ko ay ito ang isa sa magandang epekto sa akin ng pagiging in love.

Ang problema ko na lang ay kung paano ko masasabi sa kanya ang nararamdaman ko.

Bahala na si Batman.

Lakas ng loob at kapalan na lang ng mukha.

*****

“Eherm…” paglilinis ko sa aking lalamunan bago ako magsalita.

“Ah… Rosa, napansin ko lagi ka lang nakayuko dyan sa monitor mo. Kahit may kausap ko eh dyan ka lang nakatingin. Hindi naman sa nakikialam ako sa’yo pero gusto ko lang sana kitang imbitahang lumabas. Gumala. Mag-unwind. Kasi tingin ko sa’yo kelangan mo ng pahinga eh hindi ‘yung puro computer na lang kaharap mo. Ok lang?” mahaba kong paliwanag sa kanya habang naka-cross finger ang daliri ko sa paa.

“San tayo pupunta? Sinong kasama? Kelan tayo aalis? Anong oras?” sunod-sunod niyang tanong habang nakatingin pa rin sya sa monitor ng kanyang computer.

“Huh?” kumuha ako ng bwelo dahil medyo nabigla ako.

“Dun sa Batangas. Me kamag-anak kami dun. Dun na lang tayo pumunta. Sariwa ang hangin dun pati na mga pagkain.” sabi ko.

“Ngayong Friday na tayo umalis after office. Me dalawang araw pa naman tayo para makapaghanda.” dagdag ko.

“Ayos lang ba kung tayo lang dalawa? Napansin ko kasi na parang wala kang ibang kakilala dito sa opisina. Ako naman eh wala din kakilala kundi si Mang Caloy, lagi pa nakakalimutan ang pangalan ko.” patuloy ko.

“Sige. Ok lang. Libre mo ba? Dun na lang sa may terminal ng bus sa Cubao tayo magkita.” sagot nya.

“Oo! Sagot ko na lahat.” sagot ko habang nakangiti.

“Sige. I’ll see you on Friday na lang.” tipid nyang sagot.

“Ok. Bye.” tipid kong sagot sabay talikod sa kanyang lamesa.

YES!

O-M-G!

Totoo nga kayang pumayag siyang sumama sa akin? Parang hindi ako makapaniwala ah. Paano ko kaya sasabihin ang nararamdaman ko para sa kanya?

Teka.

Hindi pa rin nga pala ako nakakasigurado. Dalawang araw ang hihintayin ko  bago mag Biyernes. Hindi na bale. At least planstado na ang mga moves ko. Hindi man sya sumipot sa Biyernes, aayain ko pa rin sa susunod hanggang sa mapasama ko sya.

*****

Biyernes.

4:58 p.m.

Parang antagal ng alas-singko. Bitbit ko na ang bag ko para hindi na ako dumaan sa bahay. Kita ko si Rosa mula sa labas ng pintuan ng opisina namin. Hindi pa rin nag-aayos ng kanyang gamit. Nang dumaan din ako dun sa may pwesto nya eh parang wala akong nakitang gamit.

Ah!

Dadaan pa siguro sya sa kanila kasi nga sabi nya sa Terminal na daw kami magkita. Sabagay, malapit lang naman ang kanila.

5:05 p.m.

Anak ng pusa!

Pasado alas-singko na pala.

Teka.

Wala na si Rosa sa pwesto nya.

Bakit hindi ko man lang nakita na lumabas sya?

Di bale, sa Terminal ko na lang sya hihintayin.

*****

Biyernes

6:31 p.m.

Bakit wala pa si Rosa?

Mukhang hindi na nga nya ako sisiputin ah.

Hay…

Palipas muna ako ng sama ng loob bago ko sya ayain ulit.

Habang naghihintay ako ng taxi, sakto namang baba ni Rosa sa taxi na tumigil sa harapan ko.

“Oh Johnson? Saan ka pupunta?” nakangiti nyang sabi sa akin

“Ah. Wala.” tulala kong sagot sa kanya.

“Naramdaman ko kasing parating ka na kaya sinalubong lang kita” sabi ko na medyo nahihiya.

Iba ang dating sa akin ngayon ni Rosa. Mas lalo syang gumanda.

Mas bagay pala sa kanya ang nakalugay ang kanyang buhok dahil mahaba ito at makintab.

Tsaka ko lang din napanisin ang bilugan nyang mata dahil hindi nya suot ang makapal nyang salamin.

Parang hindi sya ang Rosa na kasama ko sa opisina walong oras sa isang araw at limang araw sa isang linggo.

Iba sya ngayon.

Lalo nyang pinalakas ang kaba ng dibdib ko.

*****

At eto kami ngayon, nagtatampisaw sa dalampasigan.

Tila mga batang paslit na naghaharutan sa baha na likha ng nakalipas na ulan.

Parang kami lang ang tao sa mundo.

Walang pakialam.

Walang muwang.

Sabay kaming napahiga sa pino at maputing buhangin.

Habang siya ay nakatingin sa papadilim nang kalangitan, ako naman ay nakatitig sa tila anghel sa aking tabihan.

Nang biglang nagtama ang aming mga mata.

Dahan-dahan siyang pumikit habang dahan-dahan ding naglalapit ang aming mga labi.

Napalunok ako ng laway sabay pikit…

“JOHNSON!”

May biglang sumigaw.

Kilala ko ang boses na ‘yun!

“Johnson! Lintek ka! Natutulog ka na naman eh oras ng trabaho! Sisante ka na!” bulyaw ni Mr. Garcia.

Anak ng tinapa!

Bitin na nga sa panaginip ko, natanggal pa sa trabaho!

Advertisements

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s