Isang Daan Apatnapu’t Tatlong Araw ng Pebrero (Huling Labas)

Day 78

Usapan namin na magkikita kami ngayon.

Kahit sinabi nya na sa akin kahapon na hindi matutuloy ngayon ang aming pagkikita, pumunta pa rin ako sa aming tagpuan. Nagbabakasakali na dumaan siya at bigalang mapalingon.

Matapos ang tatlumpu’t tatlong segundo kong paghihintay sa kanya, umalis na din ako.

Mukhang inindyan nya na nga ako.

Day 36

Hindi matapos-tapos ang kasiyahang nararamdaman ko kahit mahigit tatlong oras na ang nakalilipas nang ihatid ko siya pauwi sa kanila. Hindi kaya punuan ng mahigit kalahating araw na pagsasama namin ang ilang taon kong paghihintay na muling makasama siya.

Pakiramdam ko tuloy eh nalasing ako ng kanyang mga kwento, pabango at prisensya. Parang eto ata ang masarap na pakiramdam sa lahat ng hang-over.

Day 87

Sa nakalipas na siyam na araw, hindi ko nasulyapan kahit pisngi man lang ni Helen. Ang babaeng matagal kong pinangarap na muling makita, ang babaeng kahit sa panaginip ay ayokong mawala, ang babaeng gusto kong bigyan ng aking apelyido.

Hindi na sya namimili sa supermarket na pinagtatrabahuhan ko. Hindi sya nagrereply sa mga text ko. Hindi nya sinasagot ang mga tawag ko. Tuwing tatawag ako sa opisina nya nasa meeting sya. Tuwing pupuntahan ko sya sa opisina, naka-alis na sya. Kapag pinupuntahan ko sya sa bahay nila walang nakakaalam kung saan sya nagpunta.

Hindi ko alam kung bakit para syang umiiwas.

Ayoko mang isipin pero pakiramdam ko ay ito na ang simula ng wakas.

Day 90

Walang reply.

Day 91

Patay ang cellphone.

Day 92

Wala sa bahay.

Day 93

Hating gabi na pero hindi pa raw lumalabas ng opisina.

Day 94

Wala na nga siguro akong pag-asa.

Day 95

Kailangan ko na sigurong ilabas ang nararamdaman ko sa isang malapit na kaibigan. Asan ka na Empilayt?

Day 126

Ang araw na ito ay walang pinag-iba sa nakalipas na dalwampung araw.

Kaharap at kakwentuhan ko na naman si Empilayt. Puro na naman kalokohan ang aming pinakukwentuhan — si Helen.

Masakit na ang ulo ko dahil sa alak, lalo pang sumakit kakaisip sa kanya.

Day 130

Sabi nga nila, pagkatapos ng bagyo ang kasunod ay ang pagsikat muli ng araw. At pagkatapos ng mahaban at madilim na gabi, muling magliliwanag ang paligid sa pagdating ng umaga.

Ngayong araw ng ito ang bukang liwayway ng mahigit dalwampung araw na gabi ng aking buhay. Ngayon ako muling magsisimula na bumangon muli sa bagong bukas.

Dito ako magsisimulang bumangon sa dati naming tagpuan.

“Abel”

Kilala ko ang tinig na iyon. Matagal ko mang pinilit na burahin ang kanyang boses sa aking pandinig, hindi ko pa rin pala kayang magbingibinghan kapag narinig ko na naman.

Hinga ng malalim.

“Uy! Helen! Ikaw pala? Kamusta ka na?”

Kailang ko talaga yatang magtanga-tangahan.

“Ayos lang. Ikaw kamusta ka na?” Balik nyang tanong sa akin.

“Ano ‘yan? Pick-up line o joke? Sa tingin mo ba eh ayos lang ako matapos kang hindi magparamdam sa akin ng matagal? Ayos lang naman kung hindi mo talaga ako mahal at hindi mo ako talaga kayang mahalin eh. Basta sabihin mo lang. Hindi pa kasi ako marunong manghula.” Ito ang gustong sabihin ng utak ko sa kanya pero iba ang lumabas sa aking bibig.

“Ayos naman. Pumapasyal ka pa pala dito?” tanong ko sa kanya.

“Ngayon lang ulit. Matagal na nga din ako hindi nakakapasyal dito. Medyo napalayo na kasi ang bahay at opisina ko.” paliwanag nya.

“Abel?” tanong-tawag nya sa akin.

“Ano ‘yon Helen?” agad kong sagot.

May inabot siyang sobreng maganda ang disenyo at medyo mabango.

“Punta ka sa Sabado. Kasal ko.”

Para akong nabingi sa narinig ko sa kanya.

Akala ko tapos na ang bagyo sa buhay ko.

Signal number 2 lang pala ang unang dumaan dahil ngayon pa lang nagsisimula ang signal number 3.

Akala ko tapos na ang mahabang gabi, wala lang palang kuryente kaya nagdilim ang aking paligid.

Ngayon lang pala dumating ang madilim na sandali ng aking buhay.

“Akala ko ba hindi ka naniniwala sa true love? ‘Wag mong sabihin na buntis ka kaya ka magpapakasal? Sa palagay ko naman eh hindi pera ang dahilan ng pagpapakasal mo.” mahaba kong tanong sa kanya.

“Hindi ko rin alam kung bakit ako magpapakasal. Nagising na lang ako isang araw na pakiramdam ko eh gusto ko nang magpakasal. Nakilala ko siya sakayan ng bus. Nang lumapit siya sa akin, sa pakiramdam ko eh destiny ‘yun. Simula ng maramdaman ko ‘yon, hindi na ‘yon nagbago. Isang pakiramdam na hindi ako naging sigurado sa’yo noon.” paliwanag niya.

Hindi na ako nagsalita.

Wala akong salitang mahagilap na gusto kong sabihin sa kanya.

“Uy, ok ka lang?” tanong nya sa akin.

Anong bang gusto ng babaeng ito na sabihin ko sa kanya? Na matapos ang mga sinabi nya eh maging ayos lang ako?

Ayos lang sana kung sinabi nya na; “Sorry ha. Di kasi ako nagalingan sa performance mo.” Eh di sana sinagad ko na — ang pagmamahal ko sa kanya.

Para kasing pinaikot nya muna ako bago sinipa.

“Sa mga nakalipas na araw, unti-unti kong nalaman na marami pala akong natutunan sa’yo. Salamat.” sabi ko.

“Hindi. Ako ang maraming natutunan sa’yo kaya dapat ako ang magpasalamat sa’yo. Siguro kung hindi dahil sa’yo eh hindi ako magiging sigurado sa nararamdaman ko ngayon.”

“Salamat Abel. Aasahan kita sa Sabado.” paalam ni Helen.

Day 131

Parang kanina lang nangyari kahapon. Hanggang ngayon ay nagpe-playback pa rin ‘to sa utak ko.

Ganito pala ang pakiramdam kapag iniwan ka ng isang taong naging malapit sa’yong buhay. Masakit palang iwanan ka ng taong pinagkatiwalaan mo ng ‘yong buhay. Hindi dahil sa baka ipagkalat niya kung anuman ang maitim mong sikreto kundi dahil alam mong wala nang sasalo sa’yo  sakali man na mahulog ka. Wala ka nang ibang mapapagkwentuhan ng mga hinaing mo sa buhay. Makakapalitan ng mga kuro-kuro at kung anu-ano pang kalokohan.

Maaaring magkasalubong kayo ulit isang araw, pero hindi na kayo ang dating magkakilala na nagsasalo sa isang kama.

Day 143

Dumaan ang labindalwang araw na unti-unti kong muling imulat at hilamusan ang puno ng muta kong mga mata para sa pagdating muli ng umaga.

Maaaring iba na sya sakali man na muli kaming magkita.

Hindi na siguro siya makikinig sa mga wala kong kwenta kong kwento at mga korni na patawa.

Pero gusto kong bigyan ng lakas ng loob ang sarili na may makikilala pa akong iba. Hindi man katulad nya, sigurado namang higit pa sa kanya.

Kailangan kong magpahangin.

Kailangan kong hamunin muli ang aking sarili.

Bumalik akong muli sa dati naming tagpuan hindi para alalahanin siyang muli kundi para dito ilibing ang kanyang mga alaala.

“Excuse me.” sabi ng isang tinig.

“Pede ba akong makiupo? May hinihintay lang ako.” patuloy ng tinig.

Hindi ako nag-abalang tumingin kung kanino nanggaling ang tinig. Tumango lang ako at naramdaman ko na ang pag-upo nya sa tabihan ko.

“Hindi na yata siya dadating.” sabi ng tinig.

Dahil masyado akong abala sa kung anu-anong tumatakbo sa utak ko, hindi ko namalayan na mahigit tatlong oras na pala ang nakilipas mula ng maupo siya sa tabi ko.

“Salamat ha.” Sabi ng tinig sabay tayo.

Napatingin ako sa kanya. Nakita ko ang lungkot sa kanyang mukha pero may kung anong kislap sa kanyang mata.

“Baka gusto mong mag-miryenda?” Hindi na ako nag-atubili sa pagtatanong sa kanya.

“Wag na. Salamat na lang.” tanggi nya.

“Baka gusto mo ng kakwentuhan, may malapit lang dyan na kapihan.” pilit ko.

Hindi naman dahil sa gusto ko agad makalimot. Minsan lang kasi dumating ang mga ganitong pagkakataon. Nakita ko din sa kanya ang sarili ko kaya kahit sa simpleng paraan eh gusto ko sana syang matulungan.

“Halika na Ms.?” tanong ko.

“Mae.” sagot nya na may kasamang ngiti.

“Abel. Ano? Kape tayo Mae?” sabi ko sa kanya habang nakangiti sabay abot ng aking kamay.

Hindi na sya tumanggi pa at nakipagkamay din sa akin.

Pakiramdam ko ay magiging mainit ang aking tag-araw.

Advertisements

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s