T-Bak

Madilim ang paligid nang imulat ko ang aking mga mata. Basa ng tubig, pawis at dugo ang buo kong katawan. Hindi ko maaninag ang mga mukha nga mga tao sa paligid na animo’y mga maligno dahil sa nakakasilaw na liwanag.

Katapusan ko yata ito.

Maituturing na siguro akong isang bayani.

Maihihilera na din ang aking larawan sa pader ng kagitingan.

Habang naghahabol ako ng hininga ng mga sandaling iyon, muling nanumbalik sa aking alaala ang mga masasayang karanasan ko nung ako ay nasa probinsya pa.

Simple lang aming buhay sa probinsya. May maliit na lupang sinasaka ang aking tatay habang ang aking inay ay ang kanyang mga tanim na gulay at halaman sa bakuran ang pinagkaka-abalahan.

Si Ate Juling ay katu-katulong ni Inay habang ako naman ay katulong ni Tatay sa bukid kung hindi ako abala sa pagpapalipad ng saranggola sa kaparangan.

Masaya na sa pritong galunggong at ginisang balatong na ulam.

Nang makapag-aral ako sa isang unibersdad sa Maynila doon nagising ang aking diwa. Doon ko nakita ang mga kalapastanganang ginagawa sa ating mga maralitang kababayan na hindi ko nababasa sa mga libro ng panitikan sa aming silid-aklatan.

Hindi ako maaaring manihimik lamang.

Hindi ako maaaring magbibingihan sa mga daing at hinaing ng mga api nating mga kababayan.

Naging kaisa nila ako sa kanilang mga ipinaglalaban.

Dinala namin sa kalsada ang aming pakikibaka kung saan parang kaming mga kulisap kung bombahin ng tubig at tear gas.

At ngayon nga ay narito ako sa isang lugar na hindi ko alam at napapalibutan ng mga taong kahit sa panaginip ay ayaw kong makita.

Gusto nang bumigay ng aking katawan…

————————————————————————————————-

Mahigit dalawang dekada na ang nakakaraan ang mga pangyayaring ‘yan ngunit ang mga bakas nito ay nakamarka pa rin sa aking katawan.

Ang tahi sa aking sikmura ay dahil sa tama ng bala nang minsan kaming mag-rally sa Mendiola.

Ang peklat sa aking braso ay mula naman sa pagsalag sa palo ng mga pulis nang tangkain naming pigilan ang paggiba sa mga bahayan sa may San Juan.

Matapos ang mahigit dalawang dekada, hindi na ako sumasama sa mga pagmamartsa sa kalye.

Hindi na ako nagbubuo nang isang pagpupulong upang pakinggan ang mga hinaing ng mga maralitang masasaka at manggagawa.

Empleyado na ako ngayon sa isang kagawaran ng gobyerno.

Wala sa hinuha nang mga nakakakilala sa akin na ang dating mga kabanggaan ko sa kalsada ay sila na ngayong mga bago kong kasama.

Sa ilang taon kong pagtatrabaho dito, mas naintindihan ko ang sistema.

Ipokrito ako kung sasabihin kong maganda ang sistema pero magiging totoo ako kung sasabihin kong hindi naman lahat ay masama.

Tama na nga siguro ang ilan taon kong pakikibaka. Hindi siguro tuluyang magiging maayos ang gusot na sistema hangga’t wala akong ginagawang ibang hakbang kundi ang sumigaw sa kalsada.

Noon ko pa nais na may magbago sa bulok sa sistema ng gobyerno.

Pero mas maganda siguro kung sisimulan ko sa sarili ko.

————————————————————————————————-

Bilang suporta at mapangahas na lahok sa “Bagsik ng Panitik” contest ng Damuhan.com

Advertisements

11 thoughts on “T-Bak

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s