Pareho-pareho lang tayo

 

Ayoko sa lahat ang may makasagutan o makabangga, lalo na ang mga hindi ko kakilala. ‘Yung tipong may kanya-kanya kaming hinaing pero hindi maiwasan ang magkasagutan. Sa ilang pagkakataon na nangyayari ito, hindi ko maiwasang hindi ma-bad-trip. Mabilis mag-init ang ulo ko sa mga ganitong pagkakataon lalo na kung ang gusto nilang sabihin sa akin eh naagrabyado ko sila. Kung sa punto nila ang gusto nilang intindihin ko, walang problema, kaya ko silang intindihin. Pero kung gusto nilang sabihin na sila lang ang dapat intindihin, ibang usapan na ata ‘yun.

Halos gabi-gabi kaming sumasakay sa tricycle pagumuuwi. Mas mabilis na ang byahe, hindi pa kami nakikipagsiksikan sa jeep. May mga naging suki na rin akong driver ng tricycle dahil sa dalas kong sumakay dito pauwi.

Minsan, sumakay kami ni labopmaylayp sa tricycle pauwi. Medyo gabi na din kasi at gusto na din naming makauwi agad. May dumaang tricycle at pinara namin. Tinanong kami kung saan kami magpapahatid at tinanong kung magkano ang babayad namin.  70  pesos ang regular na bayad namin sa mga nagsasakay at ‘yun din ang sinabi naming bayad namin. 20 mins. lang ang tatakbuhin ng tricycle mula sa sinasakyan naming lugar hanggang sa bahay.

Umayaw ang driver.

Ayos lang.

Madami pa namang iba eh.

May isang ulit na dumaan at pinara ulit namin. Tinanong kami kung saan kami magpapahatid. Sinabi namin ang lugar at agad nya kaming pinasakay. Tumakbo na ang tricycle. Pagdating sa tapat ng bahay namin, inabot ko ang 70 pesos na bayad. Umalma ang driver. Sinabi na 80 pesos daw ang bayad. Tinanong ko kung bakit. Ganun daw talaga ang singil nila. Sinabi kong halos gabi-gabi akong sumasakay ng tricycle pero 70 pesos lang ang binabayad ko. Dahil medyo hindi ko trip ang bungad nya sa akin, hindi ko dinagdagan. Walang problema kung mahinahon ang pagkakasabi nya. Ang problema eh parang nadaya ko pa sya. Wala syang nagawa kundi umalis na lang.

Nang sumunod na gabi, sumakay ulit kami ng tricycle pauwi, pero sa ibang driver naman. Sinabi ko kay labopmaylayp na 80 pesos na ang ibigay dahil ayokong may makasagutan ulit ako. Pagtapat sa bahay namin, inabot ni labopmaylayp ang bayad. Walang reklamong umalis ang driver. Ilang gabi pa ulit ang dumaan na regular na 70 pesos lang ang binabayad namin. Wala namang nagrereklamo sa mga nasasakyan naming driver.

Isang gabing pauwi ulit kami, may pinara ulit kaming tricycle. Huminto at tinanong kung san kami magpapahatid. Nung nalaman kung san at kung magkano ang babayad namin, pinasakay kami. Habang umaandar na ang tricycle, sinabi ng driver na kung pwede daw eh dagdagan na ng 10 pesos ang bayad namin.

Walang problema.

Ayos naman syang nakipag-usap eh.

Pagbaba namin sa tapat ng bahay, iniabot ko ang bayad at nagpasalamat sa driver. Nagpasalamat din naman ang driver. At ilang gabi pa ulit kaming sumasakay ng tricycle at nagbabayad ng 70 pesos.

Walang nagrereklamo.

Ayos.

Kanina, gaya ng dati, sumakay ulit kami ng tricycle. May pinara kaming isa pero ayaw magpasakay. May dumaan ulit na isa, pinara ulit namin at gaya nung nauna, hindi rin nagpasakay. At ‘yung ikatlo naming pinara eh tinanong lang kami kung saan kami magpapahatid at nagpasakay agad. Habang tumatakbo ang tricycle, sinabi ko kay labopmaylayp na 80 pesos na ang ibayad dahil hindi nagtanong kung magkano ang ibabayad at para siguradong hindi na magrereklamo. Pagdating sa tapat ng bahay, inabot ko ang bayad naming 80 pesos. Parang medyo nabingi lang ata ako nung tinanong nung driver kung magkano daw ‘yung binayad ko. Mahinahon kong sinabi na: “80 pesos boss”. Pero humirit si manong driver: “Kulang pa ho.”

Ha?!

Nagulat ako at si labopmaylayp sa sinabi ng driver. Tinanong ko kung magkano pa ang kulang. Sinabi ng driver na kulang pa daw ng 20 pesos.

Tang inamels!

Isang daan ang sinisingil?!?

Naging mahinahon pa rin ako dahil ayokong ma-bad-trip. Sinabi kong sa gabi-gabi naming pagsakay sa tricycle, 70 pesos lang lagi ang binabayad namin. Isang daan daw talaga ang takbuhan nila. Medyo umiinit na ang punong tenga ko. Tinanong ko kung saan ang ruta nya. Sinabi nya. Tinanong ko kung may prangkisa sya. Meron daw. Tinanong ko kung may taripa sila para singilin kami ng ganun kataas nasupla agad ako ng sagot na: “Eh, understood na ‘yun.”

WTF?!?

Medyo bad trip na ako pero ayokong ipakita ng pisikal. Binalik ko sa kanya ang sinupla nya sa akin. Sinagot ko din sya ng: “Eh, understood na din ‘yun!” Dinagdagan na nga namin ng 10 pesos ang bayad kesa sa regular naming bayad para walang reklamo pero nag-back fire pa rin sa akin. Humirit pa ulit si manong ng: “Para bente lang ang dami na agad nasabi.”

Puting inamels talaga!

Gusto ko sanang sabihin na: “Teka, ako lang ba ang nagsalita?! Hindi ka ba nagsalita?! Walang ka bang nasabi?!” Pero unti-unti ng pinaandar ni manong ang kanyang tricycle at sinabing: “Tsaka gabi na eh.” Pero humirit pa rin ako: “Bakit? Humahaba ba ang daan kapag gabi na?! Sana hindi ka na lang nagpasakay!” At ng medyo malayo na si manong, me hirit pa rin talaga: “Hindi na kayo naawa sa driver, ang mahal mahal ng gasolina.” Lumayo na ang tricycle pero nakatingin pa rin sa akin si manong at nakatingin pa rin ako sa kanya.

Wala akong nasabi sa huli nya hirit.

Wala na dahil malayo na sya.

Medyo hindi ko nagustuhan ang huling hirit ni manong.

“Hindi na kayo naawa sa driver, ang mahal mahal ng gasolina”

Gusto ko sana syang tanungin kong ako ba ang may dahilan kung bakit mahal ang gasolina? Dahil ba sa hindi ko pagdadagdag ng bente pesos kaya mataas ang gasolina? Wala ba akong kasing samang tao dahil hindi ako naawa sa driver na magdagdag ng bente pesos?

Walang kaso sa akin kung gusto nyang magdagdag ako ng bente pesos. Para sa katulad kong isang ordinaryong empleyado, malaking bagay ang bente pesos o kahit siguro kanino sa atin. Pero hindi ako magdadamot ng bente pesos kung:

Una, bago nya kami pinasakay, nakipagtawaran na sya. Tinanong nya muna kung magkano ang babayad namin at kung magkano ang gusto nyang idagdag namin.

Pangalawa, kung maayos lang sana ang pagkakasabi nya. Kung maayos lang ang mga naging hirit nya.

Pangatlo, kung nagwawalis lang ako ng pera, humihiga sa pera, ang kumot ay pera o nagtatae ng pera at past time ko lang ang pagsakay sa tricycle. Para may thrill.

Malaking bagay para sa marami sa atin ang bente pesos na hinihinging dagdag ni manong pero ayos lang kung naging maayos lang sana ang pakikipagusap nya.

“Hindi na kayo naawa sa driver, ang mahal mahal ng gasolina” – ang sabi ng driver

“Hindi na kayo naawa sa pasahero, ang mahal mahal ng pamasahe” – ang gusto kong sabihin.

Kapag may pagtaas ng gasolina, sasabay sa pagtaas ang presyo ng mga bilihin. Pero ang sweldo ng mga ordinaryong empleyado hindi.

“Hindi na kayo naawa sa driver, ang mahal mahal ng gasolina”

Hindi kaya nakakaawa din ang mga pasehero dahil sa tuwing tataas ang presyo ng gasolina, itinataas ang pamasahe pero kapag bumaba ang presyo ng gasolina eh bahagya ng makapagbaba ng singil sa pamasahe.

Beep. Beep.

Wala akong gustong sagasaang mga driver.

Beep. Beep.

Hindi ko din nilalahat ang mga driver.

Kung sasabihin mo na hindi ko naiintindihan ang driver, sa palagay ko eh mali ka.

May mga kilala akong driver. May mga kaibigan akong driver. May kamag-anak akong driver. Si erpat eh dati ding driver.

Kung anuman ang sinabi ni manong sa akin eh naiintindihan ko. Alam ko kung gaano kaimportante ang bente pesos sa kanila — gaya ng kung gaano ‘to kaimportante sa akin.

Parepareho tayong nagtatrabaho. Parepareho tayong naghahanap buhay para sa pamilya natin. At pareparehong importante sa atin ng bente pesos.

Hindi lang siguro magandang pakinggan na sabihan ang isang gaya kong ordinaryong tao lang na “hindi naawa sa driver”.

Parepareho lang tayong biktima ng pagtaas ng presyo ng gasolina at hindi naman siguro tama na tayo pa ang magsabihan ng “hindi na kayo naawa…”

 

 

Advertisements

4 thoughts on “Pareho-pareho lang tayo

  1. Pong

    bakit ang mahal ng bayad? hmmm siguro malayo ang biyahe.
    kagaya mo mas magandang napag-uusapan ang mga bagay-bagay. nung nasa Pinas ako di din ako nakikipagtalo sa mga tricycle driver kung ano ang regular na bayad ay yun ang binabayad ko at kung nagpapadagdag man ay ok lang din,

    ang mahalaga kasama mo si love of my life mo hahaha yun na. salamat pala sa pagbati at paglagay mo ng link. be blessed!

    Sagutin
    1. mikkimao May-akda ng Post

      tama boss… wla namang masama kung nakipag-usap sana sya agad ng ayos eh… naku! buti nga hindi si labopmaylayp ang nakipaggigilan dun… siguradong maliligo at magbabanlaw ng mura si manong kung nagkataon… ayaw din kasi nung ganun eh… hehehe…
      walang problema boss… para mas madali ang pagbisita ko sa bahay mo… 😀

      Sagutin
  2. J. Kulisap

    Tiyak na espesyal na byahe ang inyong sinasakyan. Medyo may kamahalan ang 70-80 pesos na pamasahe sa traysikel.
    Para maiwasan ang hindi pagkakaunawaan at pagsasayang ng emosyon dahil sa mga ganyang pangyayari, tanungin na agad, kapag hindi nagkasundo sa usapan, maghanap ng iba.

    Nandun na’t mahirap ang trabaho nila, magtitiis sa mahabang pila at puyatan pero may itinakdang pamasahe para sa mga ganung uri ng pampasaherong sasakyan. Hindi pwedeng sumobra, bawal ‘yon,unless special trip na.

    Kailangan natin ng kwarta, kahit sino, kaniya-kaniyang diskarte at nais nating gastusin ito nang may kapupuntahan. 🙂

    Sagutin
    1. mikkimao May-akda ng Post

      korek ka jan bossing idol! (‘yan, parang si april boy sotto ka na!) 🙂 espeysyal na nga ang 70-80 pesos na bayad… sobra na ang 100… hindi ko lang nga din naitanong kung me “espeysyal” serbis na kasama kaya ganun kamahal ang presyo… 😀

      Sagutin

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s