Kapwa ko, Mahal ko…

 

 

Naging busy ako sa pagbabasa ng isang libro nitong nakaraan. Medyo interesante ang topic ng libro dahil isa ‘tong behind-the-scene documentation tungkol sa isang krimen na nangyari sa isang bansa ilang taon na ang nakakaraan. Tungkol ‘to sa kaso ng pagkakapatay ng isang lahi ng aso sa isang tao. Presa Canario ang tawag sa nasabing lahi ng aso na sangkot sa trahedya. Galing ‘to sa Canary Islands sa Espanya at malapit na itong mawala nung mga panahon na ‘yun. Mukhang pitbull ‘to pero hindi. Parang bullmastiff pero hindi. Dalawang aso ang sangkot sa panggugulpi sa biktima, isang lalaki at isang babaeng Presa Canario, at itatago natin sila sa pangalang “Dave” at “Vera”. Pinatay agad si Dave pagdating sa animal shelter. Si Vera naman eh nagkaroon pa ng public hearing kung dapat din bang patayin ‘to o hindi. Madami ang gustong patayin na lang din si Vera dahil pumatay ito ng tao at syempre meron ding mga animal rights activists na tumutol sa ideyang ‘yun.

Madaming naging isyu ang nasabing kaso dahil hindi lang aso ang sangkot dito. Nahalungkat sa librong ‘to ang sabwatan ng mga abogado, na nagaalaga sa nasabing mga aso nung maganap ang nasabing krimen, at sa isang bilanggo na nasa isang super maximum security na kulungan. Sa katapusan ng kwento, nakulong ang mga nagaalaga sa nasabing mga aso nung maganap ang krimen at pinatay din si Vera na sangkot sa naganap na panggugulpi.

Interesante ang libro dahil sa daming isyu nitong nabuksan. Tulad ng isyu ng bestiality sa pagitan ng mga aso at mga nagaalaga sa kanila. Naging isyu din ang pagsasampa ng kasong kriminal ng karelasyong lesbiana ng biktima laban sa mga akusado. At marami pang ibang isyu na nahalungkat sa nasabing kwento pero ayoko ng isa-isahin pa.

Naging interesado ako sa pahayag ng isang opisyal ng animal shelter kung saan dinala ang mga sangkot na aso. Dahil lumabas sa inisyal na imbestigasyon na si Dave ang direktang sangkot sa pagkakapatay sa biktima, agad din syang pinatay. Nilitis muna ang kaso ni Vera para malaman ang kanyang partisipasyon sa krimen. Sinuring mabuti kung meron talaga syang kinalaman sa nasabing trahedya.

May mga nagbanta sa buhay ng mga opisyal ng shelter. Sinabi na kung papatayin daw nila si Vera, isusunod daw sila dito. Hindi na ‘to kakaiba para sa mga opisyal ng shelter dahil madalas silang makatanggap ng ganitong klase ng pagbabanta lalo na kung ang mga “nakukumpiska” nilang mga hayop eh ginagamit sa mga iligal na gawain.

Dahil sa kabikabilang pagbabanta sa kanilang buhay at pagpoprotesta ng mga animal rights activists, hindi naiwasang magtanong ng direktor ng shelter ng makaharap nya ang isang aktibista. Tinanong nya ang aktibista kung bakit mas ipinaglalaban nila ang karapatan ng mga hayop kesa sa mga kapwa nila tao. Syempre, may nakahandang pambara ang aktibista. Sinabi nyang dahil walang ibang pwedeng magtanggol sa mga ito kundi sila, dahil ang mga hayop daw ay kawawa o sa kanilang salita eh “helpless” ang mga ito. Nagtanong ulit ang direktor, “Bakit ang mga palaboy na may sakit sa pag-iisip, hindi ba kawawa din sila at “helpless”? Walang naisagot ang aktibista.

Kung titingnan, isang ‘tong mahabang diskusyon. Sa isang banda, makikita mong may punto ang mga aktibista sa kanilang ipinaglalaban at sa kabila naman eh may punto din ang direktor, nasa tao na lang kung paano ‘to babalansihin.

Hindi ako sang-ayon sa mga hindi makatwirang pagpatay sa mga hayop. Katulad halimbawa ng isang kong napanood na dokumentaryo tungkol sa pagpatay ng mga aso. Isinisilid nila sa sako ang aso sabay papaluin ng kahoy sa ulo. Tulad din ng pagkuryente sa mga baka o baboy bago sila katayin, at pagbali sa leeg ng mga manok. Lahat ng hayop na nabanggit eh nakatikim na ako (oo. kahit aso.). Hindi din ako bedyetaryan. Pero sa tingin ko, hindi lang makatarungan ang mga paraan ng pagpatay na napanood ko dahil na rin siguro sa quality at sanitary issues.

Ang isyu ay ang pagtatanggol ng mga aktibista sa isang hayop na sangkot sa isang insidente na ang resulta ay ang pagkamatay ng isang inosenteng tao.

Kung minsan, itinuturing nating parang tao ang mga hayop. At tulad din ng isang taong nagkasala, marapat lang din sigurong parusahan ang isang hayop, lalo na kung maaring makasakit o makapaminsala ito ng tao.

Hindi man direktang tinanong ng direktor ng shelter ang aktibista kung bakit hindi nya tulungan at ipaglaban ang mga palaboy na wala sa tamang pag-iisip, na kawawa din ang sitwasyon at “helpless”, ito ang gusto nyang tukuyin.

Naging istrumento sa pagkasawi ng isang inosenteng tao ang ipinaglalaban nilang hayop pero mas pinili nilang isalba ang buhay ng hayop na maaring ang maging susunod na biktima eh isa sa kakilala nila, isa sa kaibigan nila, kamag-anak o kapamilya nila o maging sila mismo. Bakit hindi na lang nila ipaglaban ang hustisya para sa naging biktima nito?

Matapos ang nasabing insidente, marami ang nagkainteres kay Vera. Sa loob ng isang taon nitong pamamalagi sa shelter, Marami ang “nagmalasakit” dito at nagpresinta na aampunin nila si Vera upang maisalba ang buhay nito. Dahil sa tingin mga opisyal ng shelter na madami ang gustong magkaroon ng alaga, nagmungkahi sila ng iba pang hayop  o iba pang lahi ng aso na nasa kanilang pangangalaga na pwede nilang ampunin ngunit si Vera lang ang gusto nilang ampunin.

Bakit nga ba sila masyadong interisado kay Vera? Dahil ba may kakayanan itong makapatay ng tao at maari nila itong gamitin sa kanilang mga maiitim na balak? Siguro. Kung sinsero siguro sila sa pagkakalinga sa mga hayop, hindi na nila kailangan ang isang Vera para makapag-alaga ng hayop.

Isang taon matapos mangyari ang insidente at dalawang linggo matapos ang paglilitis sa kaso ni Vera, pinatay din sya. Dahil maaring mas madami pang tao ang kayang mapinsala at para na rin sa kapakanan ng hayop kaya minarapat ng mga otoridad na “itumba” na lang sya. Ayon din kasi sa isang staff ng shelter, kung ipapaampon nila ito sa ibang tao, maaring mamatay pa ito sa karumaldumal na paraan. Dahil madami ang nagalit sa nasabing aso dahil sa insidente, maaring basta-basta na lang ito sagasaan para mamatay o barilin. Sa tingin ng mga opisyal sa shelter, hindi rin ‘yun makatarungan para kay Vera. Kaya minarapat nilang “itumba” sya sa pamamagitan ng lethal injection.

Minsan, nagpapakatao tayo para sa mga hayop kahit na mas importante ang pakikipagkapwa-tao…

 

 

Advertisements

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s