Buhay Estudyante

 

Tuwing nakakakita ako nang mga estudyante, hindi ko maiwasang balikan ang mga alaala ng buhay estudyente ko nun. Dahil sa public school ako nag-aral nung elementary at uso pa nun ang pamamalo ng mga titser sa estudyante, isa ako sa naging biktima nun. Tahimik lang ako sa klase nun. ‘Yung mga kaklase ko lang ang nakikipagkwentuhan sa akin kaya hindi ko maiwasang makipagkwentuhan  din. Hindi rin ako makulit. Mga kaklase ko lang din ang madalas manundot ng  lapis sa pwet sa ilalim ng upuan namin.

Minsan, binigyan kami ng quiz nung titser ko. Alam kong kaya kong ma-perfect ang quiz dahil likas sa akin ang pagiging humble, nagpamali ako ng lima — ng hindi sinasadya. Exchange paper na sa mga katabi. Isa-isa tsinekan ang mga sagot. 10 out of 15 ang tama ko. Pwede na. Pero biglang inilabas ng titser ko ang kanyang stick na mukhang laser sword at ipinapatong sa desk ang mga kamay na nakabukas ang palad. Kung ilan ang mali mo, ganun din ang palo sa’yo. Nagsisi tuloy ako dahil naging masyado akong humble.

Pero ‘yung isa kong kaklase ang swerte dahil tatlong lang ang sa kanya. Tatlo lang ang kanyang tama kaya swerte sya dahil hindi sunod-sunod ang magiging palo sa kanya. May consideration naman ang titser namin na ‘yun. Ipapahinga muna ang kamay ng isang minuto bago ulit paluin.

Bihira ata ang mga titser na hindi nangangain ng bata nung elementary ako pero nagpapasalamat pa rin ako sa kanila dahil alam kong may natutunan ako sa kanila kahit hindi nila itinuro.

Dahil halos lahat ng titser nung elementary ako eh kumakain ng bata, nanibago ako nung hayskul. Nung nasa elementary kasi ako, mga estudyante ang lumilipat ng klasrum. May home section kami pero lumilipat pa rin kami sa ibang room depende sa subject.

Nung hayskul, mga titser na ang pumupunta sa klasrum namin. Pero hindi ko pa rin maiwasang magtanong sa mga kakilala kong ahead sa akin ng isang taon kung nangangagat ba si ganung titser, nagbubuga ba ng apoy si ganun at kumakain din ba ng bata si ganun. Swerte dahil wala sa nabanggit ang mga naging titser ko nung hayskul. Hindi uso ang namamalong titser nun dahil walang stick na ginagamit sa pagtuturo pero may lumulipad na chalk.

May naging isang titser din ako na kapakanan lagi ng estudyante ang iniisip. Kung maingay ka, bibigyan ka nya ng konsiderasyon. Dahil ayaw nyang mawala ang focus mo sa pakikinig sa tinuturo nya, ilalayo ka nya sa mga mapanukso mong maiingay na kaklase. Palilipatin ka nya malapit sa kanya para mas makapakinig kang ng ayos. Uupo ka malapit sa kanya at sa blackboard — sa ilalim ng blackboard. Malayo ka na sa makwentong mong katabi, makakapakinig ka pa ng ayos sa lecture ng titser. At may bonus pang highlights sa buhok dahil sa mga nahulog na pulbos ng chalk kapag nagsusulat sya. Kaya kapag tinawag ka nya at sinabing “sa paboritong upuan”, ibig sabihin nun, mahal ka nya at gusto nyang marami kang matutunan.

May isa pa akong mabait na titser nung hayskul at hanggang ngayon eh kilala nya pa din ako. Siguro dahil naalala nya pa din ang alak na pangako sa kanya nun bago ako gumaradweyt. Hindi nya rin siguro makalimutan ang ginawa sa kanya nung mga kaklase ko nung retreat namin. Dahil may mga bisyo na ang iba kong kaklase nung hayskul, nagmukhang sugalan ang isang kwarto sa Retreat House. Kahit tulog na dapat kami, naglabasan ang mga lalaki para maki-yosi at mag-laro ng baraha sa isang kwarto. Pero malakas ang pang-amoy ng titser namin kaya kinalampag ang kwarto at kanya-kanyang pulasan ng mga makakasalanan. Nang makabalik na kami sa sarili-sarili naming kwarto, nagmukhang jail guard ang titser namin at sa corridor natulog para lang siguraduhing walang makakatakas.

Kinabukasan, may isa kaming activity na huhugasan mo ang paa ng kaklase mo o ng kahit sinong nasa activity area na ‘yun na sa tingin mo eh nagkasala ka. Natapos ang activity namin na parang bagong footspa sa linis at bango ang paa ng titser namin dahil sa dami ng naghugas ng kanyang paa.

Nung nag-college ako, hindi ko na masyadong pinublema ang mga titser na nangangain ng tao o nagpapaupo sa paboritong upuan. Simple ang solusyon ng mga estudyante nung college sa mga ganitong titser — i-drop. Kung ayaw mo o nabalitaan mong terror ang  titser sa ganitong subject, ‘wag kang mag-enroll dun, humanap ka ng ibang titser sa ganung subject sa ibang course pero dapat handa ka din na maging outcast. Mahihirapan ka sa schedule mo at lagi kang huli sa priority list ng registrar. Mas lalong magiging mahirap ang college life mo kung iiwas ka sa mga ayaw mong titser at hindi mo rin naman siguro kung gusto ka din nung gusto mong lipatan na titser.

Tulad nung isa kong kaklase. Hindi sya pinayagang mag-C.R. nung isa naming Prof. Sinabi sa kanya nung Prof namin na kung lalabas sya ng room, ‘wag na syang babalik. Hindi sa lumabas ng room pero hindi na sya bumalik nung sunod na meeting — nag-drop sya sa subject. Mabait ang Prof naming ‘yun. At isa sya sa paborito kong titser nung college. Ayos ang pananaw sa buhay nung kaklase ko. Nung minsan ko syang tanungin kung bakit sya nag-drop, sinabi nya lang sa akin na sya pa daw ang tatakutin nung Prof namin kaya nag-drop na lang sya. Tama ang kanyang pananaw — sa tingin nya. Ngayon, wala na akong balita kung saang lupalop ng planeta sya napadpad.

Tuwing nakakakita ako ng mga estudyante, hindi ko maiwasang balikan ang buhay estudyante ko noon. Masaya, magulo at punong-puno ng aral kahit hindi itinuro ng mga titser. Salamat sa kanilang lahat sa pagtyatyaga sa mga estudyateng tulad ko.

😀

 

Advertisements

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s