Trust and Insecurities

 

 

May isang nagpadala sa atin ng sulat. Nakakakiliti ng utak ang sulat nya at masarap ding pag-usapan.

Halika.

Makibasa ka.

Kuya Mao,

Napadaan ako minsan sa blog mo. Nakakatuwa ang iba mong mga naisulat. Gusto ko lang sanang magtanong sa’yo.

May boyfriend ako ngayon at feeling ko mas minahal nya ‘yung ex nya kesa sa kin at sa tingin ko mahal nya pa din ‘yun hanggang ngayon. In fact, may nakita pa kong picture ng ex nya sa likod ng isa nyang picture sa kwarto nya. Kapag magkasama kami, nakikita kong may katext pa rin sya pero ayaw naman ‘yang sabihin sa akin kung sino ‘yun. Minsan, gusto kong subukan na i-text sya pero ibang number ang gamit ko para hulihin sya.

Sa tingin mo ba seryoso sya sa akin o ginagamit nya lang ako?

Sana matulungan mo ako.

Salamat sa’yo at sana madami ka pang magandang maisulat.

Aileen

Maraming salamat sa mga papuri mo Aileen. Mabuti naman at natuwa ka kahit hindi naman ako nagpapatawa sa mga poste ko. Subukan mo ding bisitahin ang mga iba pang tambayan dyan sa tabi dahil mas matutuwa ka sa kanila kaysa sa akin.

Bago ko sagutin ang mga tanong mo, gusto ko lang din munang magtanong sa’yo.

Pano mo nasabing mas mahal nya o mahal nya pa din ‘yung ex nya?

Pano mo naman nakita ‘yung piktyur nung ex nya sa isa nyang piktyur? (Malamang tiningnan mo!)

O sige na!

Dahil kailangan ko munang sumagot bago ka pa sumagot sa mga tanong ko, ano na rin ang sasagot ng mga tanong ko para sa’yo.

Minsan masasabi natin na mas mahal ng jowa natin ang kanyang past o mahal nya pa din ‘yun hanggang ngayon dahil sa insecurity. Hindi ko alam kung madalas na isyu ‘to sa isang relasyon pero dapat ito ang una natin dapat alisin. Dahil masyado tayong insecure sa ex ng jowa natin, iisipin natin na hanggang ngayon eh mahal nya pa din ang ex nya.

Pero simple lang ang eksplinasyon ko para dyan.

Kung talagang mas mahal nya o mahal nya pa din hanggang ngayon ang ex nya, bakit kayo mag-jowa ngayon? Pinikot mo ba sya? Dapat tinuloy mo na ng kasal.

Kung sasabihin mo eh dahil ‘yung ex nya ang nakipagbreak, ganun pa din. Kung talagang mahal nya ‘yung ex nya, hindi ba dapat eh sinusuyo nya pa din ‘yun ang hanggang ngayon at naghihintay pa rin syang magkabalikan sila?

Hindi mo na dapat isipin kung ano man ang nakalipas o ‘yung ex nya, lalo na kung hindi na kayo pinapakialaman nung ex. Gets?

Kung sasabihin mo naman na sa tingin mo eh ‘yung ka ex nya ang katext nya, malamang tanga ka at praning ka.

Ex nya lang ba ang may alam nung number nya? Wala bang ibang kakilala o kamag-anak ‘yung jowa mo kundi ‘yung ex nya? Ikaw ba? Jowa mo lang ba tinetext mo?

Dahil masyado kang insecure sa ex nya kaya mo naiisip ang mga ganyang bagay na wala ka namang ibidensya.

‘Yung tungkol naman sa piktyur nung ex nya, bakit mo naman pinakialman ‘yung piktyur nya?

Sige, sabihin na natin na aksidente (kunwari) na nahulog ‘yung piktyur, kailangan mo bang pagselosan ‘yun? Kahit pa nasa wallet nya ‘yan, sa tingin ko eh hindi naman nya ginagawang poon ‘yung piktyur ng ex nya na inaalayan ng pagkain at dinadasalan habang may kandila tuwing ala-sais ng gabi. Kung talagang mahal nya pa din ang ex nya, hindi siguro sya basta magtyatyaga sa piktyur na lang.

Hindi dahil mag-jowa na kayo, pwede mo nang pakialaman ang mga gamit nya. Celphone, wallet, bag, notebook, kahit ano 0 basta personal nyang gamit, kahit ikaw pa ang may bigay nun. Dapat hindi mo na lang ibinigay sa kanya para hindi mo na pinapakiaalaman. Kahit mag-asawa na kayo, hindi mo pa rin sya pag-aari na pwede mong basta-basta pakialaman ang mga gamit nya dahil isa syang indibidwal na tao. Sasabihin mo eh sabi ng simbahan eh maging isa kayo. Hindi naman sinabi ng simbahan na pakialaman mo ang personal nyang gamit. Maging isang buo kayong pamilya na puno ng pagmamahalan. Magkaisa kayo sa pagharap sa mga pagsubok sa buhay mag-asawa. ‘Yun ang gustong sabihin ng simbahan. Sa tingin mo ba kapag nakialam ka ng personal nyang gamit eh magkaksundo kayo?

Punta naman tayo sa maitim mong balak. Pero sagutin mo din ‘yung tanong mo sa akin sa itaas, seryoso ka ba sa jowa mo o ginagamit mo lang sya? Kung oo (sa una) at hindi (sa pangalawa) ang sagot mo (wala ng pangatlo), bakit mo ginawa, ginagawa o gagawin ‘yun pagtetext na ‘yun? Malamang wala kang tiwala sa jowa mo at hindi mo sya mahal.

Sa tingin ko kasi, ginagamit mo lang sya para pagbuhusan mo ng sama ng loob at may masisi ka sa mga bagay-bagay. Sa isang relasyon, ang una mong kailangan ay pagtitiwala higit sa kahit ano pa man. Hindi mo kailangang mahalin ang isang tao ng mahal na mahal. Kailangan mo lang magtiwala sa kanya ng lubos at siguradong hindi lang mahal na mahal ang mararamdaman mo sa kanya. Kung ipaparamdaman mo lang sa jowa mo na nagtitiwala ka sa kanya, hindi mo na kailangang alamin kung sino man ang mga katext nya o kung san man sya nagpupunta dahil sya na mismo ang magkukwento nun sa’yo. Kung hindi mo nagagawa ‘yung binabalak mo, ‘wag mo ng gawin dahil ikaw lang din ang nagtutulak sa kanya na magkamali. Ikaw ang gumagawa ng paraan para matukso sya. Ikaw mismo ang tumutukso sa kanya. Bakit kailangan mo syang hulihin? Para maipaukha sa kanya ang ginagawa nya? Eh pano ‘yung ginagawa mong panunukso sa kanya? Sa tingin mo ba kung hindi mo ba ginawa ‘yun hindi mo sya mahuhuli? Kung oo ang sagot mo, malamang wala kang tiwala sa kanya at mabuti pang maghiwalay na kayo dahil sa bandang huli, dun din naman kayo pupunta lalo na kapag itinuloy mo ‘yung binabalak mo.

Pasensya ka na at napahaba ata ang sermon ko sa’yo. Gusto ko lang kasi sanang itama ang medyo naguguluhan mong isipan. Magtiwala ka lang sa jowa mo at alisin mo ang insecurities sa katawan mo kung gusto mong maging maayos ang relasyon nyo. Paggising mo sa umaga, humarap ka sa salamin, ‘yung pagbangon mo pa lang ha. Walang toothbrush, suklay o hilamos, tapos sabihin mo, mas maganda ka pa din sa ex ng jowa mo. Makalipas ang ilang araw, mawawala ang insecurity mo.

Sana ay naliwanagan ka sa sermon ko at nakatulong kahit paano.

Tandaan mo, lubos na pagtitiwala ang kailangan para sa walang hanggang pagmamahalan!

Ang Iyong Kwentutero,

Kuya Mao

Kung may tanong ka tungkol sa kahit anong bagay o may kwento kang gustong marinig, magsend ka lang ng email sa dearkuyamao@gmail.com. Gagawan natin ng paraan para ikaw ay maaliw. Hihintayin ko ang email mo! :-D

P.S.

Tumatanggap din tayo ng mga kwento tungkol sa kahit saang bagay. Send nyo lang sa dearkuyamao@gmail.com. Sinisigurado ko ang ’yong privacy kung ‘yun ang gusto mo, huwag lang kalimutan maglagay ng screen name para sa proper credit at para sumikat ng konti.

(Tumatanggap din tayo ng love letters at death threats)

:-D

 

 

Advertisements

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s