Personalan na

 

 

Hindi ko gustong makialam sa buhay ng buhay at problema ng may problema. Pero kung hinihingi ng pagkakataon, wala akong magagawa.

Bawat nagiging bisita natin dito sa tambayan eh itinuturing kong kaibigan. Pati na rin ang mga nagpapadala ng kanilang mga pabasa. At kung darating ang pagkakataon na sila ay mangangailangan ng tulong, walang dalawang salita tayong magbibigay ng tulong.

Tulad ni Mr.Confucius.

Pangalawang sulat ng natanggap natin na medyo personal. Pero dahil kailangan nya ata ng tulong, kailangan ko ding magbigay. Hindi madaling desisyon ang paglalagay ng mga sulat dito lalo na kung personal. Pero sa puntong ito, sa tingin ko eh malaki ang aral na mapupulot ng karamihan sa atin. Alam din naman siguro ng ating letter sender na marami ang makakabasa nito.

Alam kong hindi makakatulong ito para mabawasan ang mga nagugutom natin mga kababayan at ang utang ng bansa. Pero alam kung sa pamamagaitan nito, may ilan tayong mga katambayan ang maaaring mabago ang buhay. Maaari nating matulungan.

Hindi man natin ginustong makialam ng buhay ng iba, pero sila ang lumapit para makialam tayo. Kumbaga, lumapit sila sa barangay para magreklamo.

Ito ang kanyang sulat:

Dear Kuya Mao,

Gusto ko lang sanang humingi sa’yo ng payo at sa iba pang mga bisita mo dito. Naglakas loob akong gawin ito dahil mahina ang loob ko at hindi ko na alam ang gagawin ko. Ito ang aking kwento.

Nasa mid 20’s ako at may asawa at anak. Kasal na kami ng asawa ko. Isa akong “dagit” o nakatira sa bahay ng mga biyenan ko. Wala akong trabaho ngayon dahil nagkaroon ng problema sa kumpanyang pinagtatrabahuhan ko dati. Sabi naman ng asawa at biyenan ko ay ayos lang daw ‘yun dahil may plano kaming magnegosyo.

Tipikal din akong lalaki. Kung ano ang nature ng isang lalaki, ganun din ako. Maraming bagay akong hindi nasasabi sa asawa ko kahit pa naging magkaibigan kami bago kami magpakasal. Tingin ko kasi parang nag-iba na sya. Sinabi nya sa akin dati na ayos lang daw kahit ano basta sabihin ko lang daw sa kanya pero alam kung oras na magsabi ako sa kanya ay iba ang mangyayari.

Hindi ko alam kung dapat ko bang sabihin na nambabae ako. Iba ang kasi ang pananaw ko sa bagay na ‘yon. Maaaring nagmahal ako ng iba kahit may asawa ako pero alam ko sa loob ko na tunay ang nararamdaman ko. Siguro, hindi ko lang masabi sa asawa ko ito dahil iniisip ko ang aming mga anak. May minahal kasi akong isang babae noon at hindi ko alam kung mahal ko pa rin sya hanggang ngayon. Pinilit kong umiwas sa kanya dahil ayoko din masira ang pamilya ko at ang kinabukasan nya. Alam ko kasing maaari pa syang makakilala ng ibang lalaki na mas higit sa akin.

Nagkikita pa rin kami hanggang ngayon ng babaeng iyon at nananatili kaming magkaibigan. Hindi ko na lang binubuksan sa kanya ang tungkol sa aking nararamdaman sa kanya para maging madali ang lahat. Hindi ko na din ito sinasabi sa asawa ko dahil mas gusto ko ngayong mag-focus sa mga anak ko. Gusto kong gumawa ng paraan para masigurado ko ang magandang kinabukasan ng aking mga anak.

Dahil wala akong trabaho ngayon at hindi pa naman nagsisimula ang negosyong pinagusapan namin ng asawa ko, gusto ko muna sanang ipahinga ang utak ko sa mga nangyari sa buhay ko. Gusto kung ayusin ang takbo ng utak ko. Gusto kong ilabas ang nararamdaman ko kahit sa paanong paraan. Madalas kong ginagawa ay lumabas ng bahay at magpahangin tuwing gabi. Kahit paano ay nawawala ang mga isipin ko at napaplano ko ng ayos ang mga susunod kong hakbang sa buhay.

Nung nakaraan, nagsabi ako sa asawa ko na gusto kong mamasyal mag-isa. Dahil nga wala akong pera at trabaho, gusto kong humingi muna sa kanya ng financial support. Para sa ikakabuti din naman namin ang iniisip ko. Maaaring selfish ako dahil kahit wala naman akong trabaho ay gusto ko pa ding gumala. Naisipan kong pumunta sa isang kaibigan para humingi ng tulong pero busy sya. Naglakas loob pa din ko na huming ng pera sa asawa ko kahit pamasahe lang dahil pakiramdam ko ay sasabog ang ulo ko. Nang umalis ako, tumawag ang asawa ko sa akin at sinabing parang wala daw ang pakialam sa mga problema namin. Parang wala daw akong ginagawang paraan. Masakit sa akin ang mga sinabi nyang iyon at kahit habang sinusulat ko ito ay nararamdaman ko pa din ang sakit ng mga salita nya. Hindi ako sumagot dahil ayokong lumaki pa ang away namin. Pero sa pamamagitan nito, gusto ko sanang ilabas kung anu man ang gusto kong sabihin sa kanya. Gusto kong sabihin sa kanya na kung wala akong pakialam sa problema namin, hindi na sana ako nagawa ng paraan para maging maayos ang takbo ng utak ko. Kung gusto kong maging maayos ang pamilya ko, kailangan kong ayusin muna ang buhay ko. Gusto ko muna alisin lahat ng mga gumugulo sa utak ko at kailangan ko ang kanyang suporta. Pero sa sinabi nyang iyon, kulang na lang ay sabihin nyang wala akong kwentang tao.

Nung isang araw, sinabi ko sa kanya pupuntahan ko ang isa kong kaibigan pero biglang nagbago ang timpla nya. Sinabi ko sa kanya iyon pero sinabi nyang hindi daw. Parang ginagawa nya akong tanga. Sa tagal na naming magkakilala, kilala ko na ang galaw nya. Hindi na ako nakatiis sa pagkakataong iyon. Nagkaroon kami ng mainit na pagtatalo. Sinabi ko sa kanya na hindi pa rin sya nagbabago. Ginagawa nya pa rin akong tanga. Sinabi ko sa kanya na kaya ako nagmahal ng iba dahil sa ugali nya iyon. Sinabi nya sa akin na ang kapal daw ng mukha ko. Tinggap nya daw ako ulit kahit alam nyang ilang beses ko na syang niloko. Wala daw akong naririnig sa kanya kahit ano kahit wala akong trabaho ngayon. Pero sinabi ko sa kanya na hindi ko sya niloko kahit kailan. Pinaramdam ko sa kanya na hindi ko na sya mahal mga pagkakataon na pikaramdam nya ay niloko ko sya. Pinaramdam ko sa kanya dhail hindi ko kayang sabihin ng deretso sa kanya. Hindi ko sya niloko, sya lang ang may pakiramdam nun at kung naging ganun man, sya din ang may kasalanan dahil nga sa ugali nya. Sinabi nya sa akin na ayos lang daw basta sabihin ko daw sa kanya pero bakit tuwing nagsasabi ako ay kung anu-ano ang sinasabi nya sa akin. Wala daw akong narinig kahit ano sa kanya kahit wala akong trabaho pero hindi nya lang sinasabi sa akin iyon ng derekta.

Hindi ko na talaga alam kung ano ang dapat kong gawin. Sa katunayan, masakit pa rin sa akin na balikan ang mga eksena na sinabi ko. Iniisip ko na lang ngayon ay ang mga anak ko. Kung anu man ang mga pinagdaanan ko ay ayoko ng balikan dahil nasasaktan lang ako. Gusto ko lang talagang ilabas ang nararamdaman ko sa pamamagitan nito.

Salamat sa oras mo. Pasensya ka na kung naging madrama ako. Sana ay madami ka pang matulungan na gaya ko at sana ay mabigyan mo din ng linaw ang naguguluhan kong ulo.

Lubos na gumagalang,

Mr.Confucius

Salamat sa isang mahabang sulat at malaking problema mo Mr.Confucius. Hindi ko masabing mali ang nilapitan mo sa problema mong ‘yan.

Una, dahil hindi ako eksperto sa mga ganyang bagay. Kung ang problema ko nga eh hindi ko basta-basta malutas sa iba pa kaya?

Pangalawa, dahil wala akong ibang maiisip na dahilan kung bakit kailang mong sa akin magsabi.

Pero kahit anu pa man, natutuwa pa din ako at nagpapasalamat dahil nagtiwala ka sa akin at sa libo-libo nating mga katambayers dito. (ayos noh?! libo-libo na ang naliligaw dito!)

Overwhelming para sa akin ang pagkakataon na ‘to dahil sa dinami dami ng tao sa mundo eh ako ang isa sa napili mong bigyan ng isipin. Pero hindi ka naman nagkamali ng nilapitan at hindi ka rin mabibigo. Kaibigan na kita kahit hindi pa tayo nagkikita. Add kita sa Pesbuk ko para “cool”.

Matanong ko lang muna, kilala mo ba si pochick? Pareho kasing mahaba ang sulat nyo eh. Parang pareho kayo ng problema.

Pero patawa lang ‘yun kahit hindi ka natawa. Gusto ko kasing maging light muna ang kwentuha para naman medyo gumaan ang pakiramdam mo.

Okay game. Biglang seryoso.

Gaya ng intro ko, ayokong makialam sa buhay ng may buhay dahil hindi ko alam kung tama ba o mali ang sasabihin ko. Pero kung anuman ang sasabihin ko ngayon, na sa’yo pa din kung susundin mo o hindi.

Hindi madali sa akin ang maglagay ng mga ganitong personal na mga sulat sa poste ko dahil — masyadong personal.

Ang gusto ko lang naman eh maging daan sa pagkakasundo ng mga hindi nagkakaunawaan at mabigyang liwanag ang mga nadidiliman at makipagkwentuhan.

Saludo ako sa’yo dahil kahit paano eh nailabas mo ang gusto mong ilabas buti na lang at hindi censored. Hanga ako sa mga taong nailalabas ang tunay na saloobin kahit sa panong paraan.

Mas maganda sana kung sa asawa mo mismo masasabi ang mga bagay na sinabi dito. Mas hahanga siguro ako sa’yo kung ibubuhos mo ang lakas ng loob mo sa pakikipag-usap sa asawa mo tungkol sa mga problema nyo.

Ilang puntos lang.

Hindi dahil sa kumakampi ako sa’yo o gusto kitang i-tolerate, pero gusto ko lang liwanagin.

Sa tingin ko din kasi, tama ang sinabi mo na hindi ka nambabae. Hindi sa nagmamalinis ako bilang lalaki pero hindi ako komportable kapag sinasabing nambababae. Para kasing nagmumukhang palipasan lang ang babae kapag ganitong salita ang ginagamit.

Pareho tayo ng pananaw sa sinabi mo. Sa tingin ko, hindi ka nambabae, nagmahal ka lang.

Oo. Maaaring sabihin ng iba na niloko mo ang asawa mo dahil nagmahal ka ng iba. Pero hindi rin natin maaaring ialis ang posibilidad na pwedeng mawala ang pagmamahal mo sa asawa mo. Maaring mag-asawa pa rin kayo pero sa papel na lang. Hindi na sa puso.

Hindi panloloko ang tunay na pagmamahal.

Ang pagkukunwari sa tunay na nararamdaman ang tunay na panloloko.

Sa pananaw ko, hindi ka naging makasarili kung ginusto mo man na makapag-isa at makapag-isip ng ayos. Long term ang goal mo sa buhay sa mga una mong hakbang, pero dapat mo ding isaalang-alang ang sitwasyon.

Siguro ang puntong ‘yon ang dapat maunawaan ng asawa mo. Kung gusto nya din na maging maayos ang pamilya nyo, dapat ay maunawaan ka sa sitwasyon mo.

Tungkol naman dun sa isang babae, tamang ang ginawa mo na ‘wag na lang pansinin kung anuman ang nararamdaman mo para sa kanya. Maaaring mahirap pero kung alam mo namang para sa ikabubuti ng mas nakararami, isakripisyo mo ang nararamdaman mo. Mas marami ka pang problemang dapat isipin kesa sa nararamdaman mo sa kanya. Mas magiging maayos din sa huli ang lahat para sa inyo.

Kausapin mo ang ‘yong asawa para mas magkaunawaan kayo ng ayos.

Maaayos ang anumang gusot lalo na kung wiwisikan ng tubig habang pinaplantsa.

Ilang mensahe lang para sa mga katambayan natin na may kaparehong problema.

Kung darating sa punto na wala na talagang pag-asa para maisalba nyo ang inyong relasyong mag-asawa, let go. Pwedeng isantabi nyo na muna siguro sa ganitong usapin ang inyong mga anak. Mas makakabuti siguro ‘to kesa naman magkasama nga kayo pero lagi naman kayong nag-aaway mag-asawa.

Mas gugustuhin din siguro ng anak nyo na magkahiwalay kayo kesa magkasama nga pero lagi namang nag-aaway. Ipaliwanag nyo na lang ng ayos sa inyong anak palaki nila ang sitwasyon kung bakit nagkaganun para maunawaan nila.

‘Wag nyo ding sisiraan ang mga karelasyon nyo sa inyong anak kung dumating man sa punto na magkahiwalay nga kayo. Simpleng dahilan — RESPETO. Ayaw nyo din naman sigurong ganun din ang gawin sa inyo ng asawa nyo.

Gabayang mabuti ang mga anak sa kanilang paglaki para maiwasang sapitin din nila ang inyong sitwasyon.

Unawain nyo ang inyong asawa, jowa o kinakasama. ‘Wag nyo silang pagmukhaing tanga dahil kung titingnan nyo, kayo ang nagmumukhang tanga dahil gusto nyo silang paniwalain kahit alam nilang hindi dapat paniwalaan.

Sa isang relasyon, kahit mahirap, dapat iwasan ang sumbatan. Ito ang isa sa dahilan ng hindi pagkakaunawaan sa isang relasyon. Nangyari na ang nangyari at wala na kayong ibang magagawa kundi kalimutan ang mga hindi pagkakaunawan at magpatawad.

Hindi gagaling ang sugat kung laging gagalawin at hindi gagamutin.

Alam kong hindi naging madali sa’yo ang pag-se-share ng problema mong ‘to pero ganun pa man, salamat ng marami sa’yo at kasama ang libo-libo (ayos na naman!) nating mga katambayers, hanggad ko ang pagiging maayos ng buhay mo.

‘Wag kalimutang makaipagkwentuhan din kay Papa Jesus!

Ang Iyong Kwentutero,

Kuya Mao

Kung may tanong ka tungkol sa kahit anong bagay o may kwento kang gustong marinig, magsend ka lang ng email sa dearkuyamao@gmail.com. Gagawan natin ng paraan para ikaw ay maaliw. Hihintayin ko ang email mo! 😀

P.S.

Tumatanggap din tayo ng mga kwento tungkol sa kahit saang bagay. Send nyo lang sa dearkuyamao@gmail.com. Sinisigurado ko ang ’yong privacy kung ‘yun ang gusto mo, huwag lang kalimutan maglagay ng screen name para sa proper credit at para sumikat ng konti.

(Tumatanggap din tayo ng love letters at death threats)

😀

Kung may tanong ka tungkol sa kahit anong bagay o may kwento kang gustong marinig, magsend ka lang ng email sa dearkuyamao@gmail.com. Gagawan natin ng paraan para ikaw ay maaliw. Hihintayin ko ang email mo! 😀

P.S.

Tumatanggap din tayo ng mga kwento tungkol sa kahit saang bagay. Send nyo lang sa dearkuyamao@gmail.com. Sinisigurado ko ang ’yong privacy kung ‘yun ang gusto mo, huwag lang kalimutan maglagay ng screen name para sa proper credit at para sumikat ng konti.

(Tumatanggap din tayo ng love letters at death threats)

😀

 

 

Advertisements

One thought on “Personalan na

  1. cesarsalad

    sa palagay ko, honesty is the best policy pa din, lalo na sa isang relasyon…at imbsi na iwasan ang mga nararamdaman mo sa ibang babae, palagay ko dapat mong harapin iyon, sa ganung paraan matuldukan ang mga agam-agam sa iyong pag-iisip…hindi tayo maiintindihan ng partner natin kung di tayo magsasalita, sa kwento ng sender, mukhang mas pinili pa niyang ikimkim iyo, at sa huli naging dahilan na din iyon ng pagtatalo…wala naman siguro mawawala kung saabihin mong kailangan mong mapag-isa…at makapag-isip sa mga nangyayari sa buhay mo…kung mahal ka ng asawa mo, pagbibigyan ka niya at mas maganda pa, matulungan ka sa painagdaraaanan mo… hindi manghuhula ang mga partner natin, at ganun din tayo sa kanila, kung ano pinapakita natin, dun kukuha ng detalye ang partner natin..kung pinapalabas natin na okay lang ang lahat, pero sa loob sasabog ka na, sa huli di ito makakatulong…kaya nga kayo naging mag-asawa in the firs place dahil pinagkatiwala mo sa kanya ang iyong buhay bilang kaprtner sa lungkot o ligaya o kahit anumang delubyo dumating, magkasama kayong itatawid ang pamilya…unless na lang wala ka na tiwala sa kanya…

    Sagutin

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s