Lima, Apat, Tatlo, Dalawa, Isa…

Limang buwan pagkatapos kong maka-graduate ng college, nagkaroon ako ng trabaho. Limang buwan akong tambay. Ayoko pa din kasing magtrabaho nun eh. Hindi ko alam kung bakit pero parang tinatamad pa ata ako. Limang buwan akong pagalagala. Limang buwan akong walang ginagawa. Hindi din naman ako pinipilit nila erpat maghanap agad ng trabaho. Nagsa-submit din ako ng resume sa mga kumpanya noon — pero puro paabot lang. Kung may tumawag para sa interview, ayos. Kung wala, ayos din. Siguro dahil din gusto ko munang mag-relax bago sumabak ulit.

Mabilis na lumipas ang mga buwan. Unti-unti kong naramdaman na mukha na akong walang kwenta. Kalat lang ako sa lipunan. Kailangan ko na atang maging kapakipakinabang. Kailangan ko na atang gamitin ang mga natutunan ko sa school —- kung meron man. Sabak sa job hunting. Kailangan ko nang umalis ng bahay, bumyahe kung saan-saan, maglakad sa init ng araw. Sarap! Pasok sa mga opisinang de aircon. Submit ng resume. Salang ng interview. Pero ang laging sagot: “Don’t call us, we’ll call you.”

Tuwing uuwi ako galing sa job hunting, laging ganun ang sagot ko kay ermat. Sasamahan ko ng konting tawa para magmukhang ayos lang sa akin — kahit hindi. Ramdam ko na ang pagkabagot sa buhay. Kailangan ko na talagang magkaroon ng silbi sa lipunan — para pwede na rin akong magreklamo sa gobyerno. Isa-isa kong inilabas ang mga baraha ko. Naghanap ako ng pwedeng makatulong sa akin. Tapon ng unang baraha, talo. Nadali ng pulitika. Isip pa ng pambasag. Ayos! May isang magandang baraha. Laban!

Pinapunta ako sa isang opisina. Anak ng patola! Mali pala! Hindi pa naman ako sanay sa lugar. Bahala na. Nagtanong tanong. Itinuro ang isa pang opisina. Ayos, abot pa. Salang sa initial interview. Swerte. Pinababalik ako para sa final interview. English ang tanong, sagot din ako ng english — sa pagkakaalam ko. Natapos ang interview ng hapon. Madami din kami nun. May ibinigay sa akin na kapirasong papel. Kailan ko daw ang mga requirements na ‘yun, dahil ko daw sa main office.

Uwi sa bahay, tanong kay ermat kung san ko makukuha ang mga ganung documents. Kung saan-saan nya ako pinapunta. Ayos lang first time eh. Wala pang isang linggo, natapos ko ang mga dapat kong tapusin.

Lunes, October 17,2005. Maaga akong gumising. Kailangan magmukha akong kagalang-galang. Nagpagupit ako nung nakaraang Sabado para kahit paano eh magmukmukha akong tao. Pina-shine ang sapatos para magmukhang bago. Plantsado na ang slacks at polo. Ayos na din ang mga requirements. Maaga akong umalis ng araw na ‘yun dahil hahanapin ko pa ‘yung building. Nun lang kasi ako makakapunta sa lugar na ‘yun mag-isa.

Sakto ang sakay ko ng bus — standing na. Pagbaba ko, solb — sabay sa rush hour. Tanong -tanong. Naituro din sa akin ang saktong lugar nung building. Sakay ng jeep. Sa wakas nakarating din. Wala naman akong hinahabol na oras. Gusto ko lang mag-submit agad ng requirements para wala ng problema. Pagdating ko sa opisina, naghintay muna ako ng konti. Malamig sa lobby ng opisina. Mabango din ang amoy. Maya-maya, may lumapit sa akin na isang babae. Maputi, seksi, mukhang dalaga at mukhang gusto din akong makilala. Tinanong ang pangalan ko, nagpakilala naman ako. Sya na din ang nagbigay ng pangalan nya — HR pala sya nung kumpanya.

Pinapasok nya ako sa isang maliit na room. Kinuha ang mga requirements ko. May ibinagay sa aking papel. Basahin ko daw at pirmahan, babalik daw sya. Binasa ko pa rin kahit english. Sa pagkakaintindi ko eh kontra ‘yun. Nangingiti ako habang binabasa ko ‘yun. Hindi ko alam kung dahil sa tuwa o dahil hindi ko maintindihan ang nakasulat — pero malamang dahil sa tuwa. Hindi ako makapaniwala na pipirma na ko ng isang kontrata. Binasa ko ang bawat salita na nakasulat dun sa kontrata, pero hindi ko na tanda ang nakasulat. Bumalik ‘yung chick na HR. Tinanong nya kung binasa ko daw lahat ng nakasulat. Tumango lang ako. Pinabalik ako kinabukasan para sa orientation. And as they say, the rest is history…

Unang trabaho ko — na matino. Limang taon na ang nakakalipas nung natanggap ako sa kumanyang ‘yun. Madami na din nangyari sa buhay ko sa loob ng limang taon na ‘yun. Apat na beses akong nagpalipat-lipat ng branch. Tatlong libong mahigit na empleyado ang nauna sa akin. Dalawang beses muntik matanggal. Isa lang ang pinatunguhan.

Sa loob ng limang taon, naging masaya ako. Sulit ang limang taon na ‘yun sa buhay ko. Madami akong nakilala, nakasama, naging kaibigan at natutunan sa loob ng limang taon na ‘yun. Sabi nga, kung uulitin ko man ang limang taon na ‘yun, may babaguhin ako pero para mas maging masaya. ‘Yung tipong, kung ganung punch line sana ang binitawan ko nun eh di sana mas ayos ang tawanan.

Nakakatawa pa nga kaming magkaka-batch sa training nun. Mukha kaming magkakaklase. Kahit nagkahiwahiwalay na kami ngayon, nagkakayayaan pa rin mag-reunion pag minsan. Hindi pa rin naman nagkakalimutan.

Sa lahat ng mga batchmates ko nun…

Happy 5th Anniverysary!!!

Salamat din sa lahat ng nakasama, nakilala at naging kaibigan ko sa loob ng nakalipas na limang taon. Hindi ko kayo makakalimutan kahit kailan…

 

😀

Advertisements

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s