Hindi Happy ang Anniversary

Isang taon na ang nakakalipas, may isang malusog na bagyo ang dumalaw sa ating bansa at may dalang regalo na trahedya. Marami ang nasalanta ng bagyong ito — si Ondoy.

Tulad ng iba nyang tropa na sila Pareng Frank, Mareng Rosing at Pareng Milenyo, malupit ang pasalubong na trahedya ni Pareng Ondoy. Pinasarado nya ang kahabaan ng Roxas Blvd. Wala syang pinalusot sa South Expressway at STAR Tollway. Pinagtampisaw sa baha ang mga sasakyan sa Kalakhang Maynila at mga kalapit lungsod partikular na sa Quezon City, Pasig at Marikina. Pati mga bahay sa mga nabanggit na lugar ay pinagbabad nya sa tubig baha. Isang bangungot para sa atin ang regalong trahedya ni Pareng Ondoy.

Naalala ko tuloy ang isang biro ng kaibigan ko tuwing umuulan. “Sana’y umulan ng malakas, ‘yung lutang ang matatanda.”, ang lagi nyang biro noon tuwing umuulan. Nang dumalaw si Ondoy, nagkatotoo ang biro nya. Pati mga sasakyan ay pinalutang.

Araw ng sabado, isang taon na rin ang nakakalipas nung magbukas kami ng isang store ng isang sikat na kapihan sa bansa sa isang bayan malapit sa amin (dahil 1st anniversary ang theme kaya maraming “isa” dyan). Kasagsagan din ng pananalasa ni Pareng Ondoy noon. Maswerte  pa rin dahil malaki ang benta kahit may bagyo. Biruan nga namin nu’n eh pumartida pa kami dahil may bagyo. Marami ang na-stranded nu’n dahil nga sa bagyo. Ibinukas namin ang pintuan ng aming tindahan para sa mga gustong humigop ng mainit-init na kape at makipagkwentuhan habang naghihintay sa paghupa ng bagyo.

Lumabas ang pagiging bayani ng bawat isa sa atin. May mga tumalon sa baha para iligtas ang kapwa. May mga nagbigay sa kawang-gawa para sa mga biktima. Pinakita natin ang ating pagkakaisa. Ang pagtulong at pagmamahal sa kapwa. Isang katangian na nagbibigay pag-asa sa mga biktima.

Kinabukasan, araw ng linggo, kasabay ng unti-unting paglayo ni Ondoy, unti-unti ring nakita ang trahdeyang kanyang iniwan. Mga naglutangan na mga sasakyan. Mga gumuhong lupa at pader. Mga lubog na bahay sa baha. Mga nasawing buhay ng tao, hayop at halaman. Maputik ang paligid at maraming pamilya at negosyo ang naperwisyo.

Kamakailan, nakita ko sa post ng ilang kaibigan ko sa facebook ang isang lumang biro na babalik daw ulit si Pareng Ondoy para mag-sorry sa nagawa nya nung isang taon. Pero ngayon, dahil sa pagiging natural na masayahin ng mga Pinoy, kaya ng tawanan ng ilang nabiktima ang birong ‘yon. Dinaan na lang sa biro ang isang bangungot.

Makalipas ang isang taon matapos ang nasabing pagdalaw ni Pareng Ondoy sa bansa, nakabangon na ang mga biktima. Nakapaghanda na ang gobyerno at mga mamamayan. Marami ang natuto at natutunan. Marami pa ang nangyari na maganda. Unti-unti ng gumaling ang sugat. Madami ang nakabangon sa bangungot at hindi nawalan ng pag-asa. Nakapag-move on na tayo. Sa tulong ng Poong Maykapal, nalampasan natin ng sama-sama ang isang malaking pagsubok na iyon, isang taon na ang nakakalipas.

Ilan lamang sila Pareng Ondoy, Frank, Milenyo at Mareng Rosing ang dumalaw at nag-iwan ng isang napakalaking peklat sa ating bansa.

Isa lang ang aking panalangin…

Huwag na sana silang mag-reunion…

Advertisements

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s