Bintana

Lagi ko syang nakikitang nakadungaw sa bintana ng bahay na iyon. Tuwing dumadaan ako sa tapat ng bahay na iyon, hindi ko mapigilan na mapasilip sa loob ng bakuran o sa bintana sa taas ng bahay. Hindi nagbabago ang ekspresyon ng mukha nya sa tuwing nakikita ko sya. Lagi mukhang malalim ang iniisip at nakatingin sa malayo. Halos katapatan lang ng bahay ng mga lola ang lumang bahay na iyon.

May dalawang linggo na din ako sa bahay ng mga lola sa Bulacan. Pagka-graduate ko ng college, sinabi ko sa mga erpat ko na magbabakasyon muna ako sa Bulacan bago ako kumuha ng board exam. Naintindihan naman nila na kailangan kong magrelax bago ako sumabak sa maduguang exam.

Nung nasa highschool pa ako, laging kaming nagbabakasyon sa Bulacan. Matagal ko ng nakikita ang bahay na iyon. Nakikita ko pa ang babaeng may-ari ng bahay na nagwawalis ng bakuran. Kung minsan, nakikita ko din ang anak nila na mga kasing edad ko lang din. Nakasuot ng puting bestida. Sumasabay sa hangin ang mahaba at tuwid nyang buhok. Patakbong umiikot sa ilalim ng matandang puno ng mangga sa loob ng kanilang bakuran habang ang kanyang ermat ay winawalis ang mga nahulog na dahon. Pero bihira ko silang makita na lumabas sa gate nilang malaki na gawa sa kahoy. Madalas nya akong makita noon na nakatingin sa kanya o sa loob ng bakuran nila. Tuwing hapon naman, nakikita ko sya na nakadungaw sa bintana nila. Kung hindi sya nagsusulat, kumakanta sya.

Minsan habang naghahapunan kami ng mga lola, itinanong ko sa kanya kung sino yung mga nakatira sa lumang bahay.

“La, sino po yung mga taga dyan sa lumang bahay?”

“Ah, sila Aling Rosay at Mang Carding. Matagal na sila dito. Tahimik silang pamilya kaya lang hindi sila madalas lumabas ng bakuran nila.” “Pati nga ang anak nilang si Anna hindi din nila pinapasok sa highschool. Pinagtapos lang nila ng elementary.”

“Eh, bakit daw po?”  tanong ko kay lola.

“Hindi ko rin alam eh. May kaya naman silang pamilya. Pero balibalita na kaya daw hindi pinapasok si Anna ng highschool dahil ayaw ng mag-asawa na mawalay sa kanila ang nag-iisa nilang anak.”

“Ang balita pa eh, meron daw kasing ipinagkasundo sa kanilang anak na isang lalaki na galing din sa may kayang pamilya. Para daw hindi makakilala ng iba si Anna, hindi na lang daw pinagtuloy sa pag-aaral.” pagkukwento ni lola.

“Ah…” ang naisagot ko na lang

“Bakit mo naman naitanong?” tanong ng lola

“Wala naman po. Napansin ko lang na parang tahimik nga silang pamilya kaya lang parang wala din silang kilala dito sa barangay nyo.” sagot ko.

“Eh wala naman din kaming magagawa kung ayaw nilang makisalamuha sa mga taga dito eh.” sabi ng lola

“Sabagay nga po.” naisagot ko na lang.

Patapos na ang bakasyon noon at papasok na ako ng college. Bago kami umalis sa mga lola, tinapunan ko muna ng huling sulyap ang lumang bahay na iyon. Nakaramdam ako ng panghihinayang dahil hindi ko man lang nakilala ng personal si Anna. Mukhang matatagalan na ulit ako bago makabalik dito.

Pagkagraduate ko ng college, nagbakasyon ulit ako dito sa Bulacan. Andun pa rin ang lumang bahay na iyon pero parang iba na ata ang nakatira. Isang lalaking matanda na ang nakikitang kong nagwawalis ng bakuran sa tuwing dadaan ako sa araw. Pagsapit naman ng hapon, makikita ko ulit ang babae na iyon na nakadungaw sa bintana. Parang pamilyar sa akin ang mukha nya pero hindi ko maalala kung saan ko sya nakita.

Isang gabi pagkatapos kumain ng hapunan, naisipan kong magpahangin muna sa labas. Bumaba ako sa bahay ng mga lola at lumabas sa kalsadang lupa. Tipikal na buhay probinsya dun kaya gustong gusto kong magbakasyon dun. Medyo malamig ang hangin at maliwanag ang buwan nung gabing iyon kaya masarap maglakad-lakad. Mangilan-ngilan na lang ang mga tao at dumadaang tricycle sa labas kahit ala-syete pa lang ng gabi.

Habang nagyoyosi, naisipan kong maglakad malapit sa lumang bahay. Malamlam ang ilaw sa loob ng bahay. Mukhang gasera lang ang ilaw sa loob. Dahil maliwanag ang buwan, naaaninag ko pa din ang loob ng bakuran. Napansin ko na may isang babaeng naglalakad sa may puno ng mangga. Sumasabay sa hangin ang mahaba at tuwid nyang buhok pati na ang kanyang puting bestida.

Bigla kong naalala si Anna. Asan na kaya sya ngayon? Hindi ko pa sya nakikita ulit mula ng dumating ako dito dalawang linggo na ang nakakaraan. Hindi ko din naman maitanong sa lola dahil baka kung ano ang isipin nya. Hindi din naman siguro si Anna ang nakikita ko ngayong naglalakad sa ilalim ng puno ng mangga. Nawala ang mga iniisip kong iyon nang biglang mapatingin sa akin ang babae sa loob ng bakuran. Tiningnan ko din sya at bigla syang nagtatakbo papunta sa likod ng bahay. Lumapit ako sa may gate para tawagin sya pero hindi ko na rin nagawa dahil nakakahiya sa iba nya pang kasama sa loob. Naglakad na lang ulit ako pauwi kina lola.

Kinabukasan, habang nagkakape ako sa may balkonahe ng mga lola sa itaas, nakita ko ulit ang babaeng iyon sa may binta. Mukhang malalim na naman ang kanyang iniisip at nakatingin naman sya sa malayo gaya ng dati. Tinitigan ko sya ng matagal. Parang nakakita ako ng pagkabalisa sa kanyang mga mata. Parang meron syang hinihintay. Bigla syang tumingin sa direksyon ko. Hindi ko alam kung sa akin sya nakatingin pero nginitian ko na lang din sya. Gumanti sya ng tipid na ngiti kaya sigurado akong sa akin nga sya nakatingin. Kakawayan ko sana sya pero bigla syang tumalikod at nawala na sya sa paningin ko. Bumaba ako ng bahay para silipin kung bamaba ang babae sa kanilang bakuran pero ang matandang lalaki lang ang nakita kong nagwawalis sa may puno ng mangga.

Kinagabihan, lumabas ulit ako pagkatapos kumain. Tulad ng nagdaang gabi, habang nagyoyosi, naglakad ako papalapit sa bahay na luma. Sa ilalim ng punong mangga, nakita ko ulit sya. Nakayuko sya habang naglalakad. Bigla syang napatingin sa may gate. Dahan-dahan syang naglakad papalapit sa gate. Hindi ko alam kung lalapit din ba ako o ano. Pero dahil pagkakataon ko na para makilala sya, lumapit na din ako.

Ramdam ko ang lamig ng hangin nung gabing iyon. Lumapit ako sa may gate at tumigil din sya ilang hakbang ang layo mula sa gate.

“Hi!” sabi ko sa kanya. Ngiti lang ang naging sagot nya.

“Ako nga pala si David. Apo ni Aling Gloria. Taga dyan lang ako.” pakilala ko sabay turo sa bahay ng mga lola. Tumingin naman sya sa tinuro ko sabay tango. “Pwede ko bang malaman pangalan mo?” sunod kong tanong na may kasamang ngiti.

“Anna” sagot nya sabay ngiti din

Sya na pala si Anna. Nakilala ko din sya sa wakas.

“Sige ha, pasok na ako.” paalam nya

“Teka!” pigil kong tawag sa kanya “Pwede bang pumunta ulit ako dito bukas ng gabi? Palipas oras lang. Wala kasi akong magawa sa mga lola eh. Gusto sanang makipagkwentuhan sa’yo.” sabi ko

Ngumiti lang sya at naglakad papunta sa likuran ng bahay. Lumapit ako sa may gate at sinundan sya ng tingin hanggang makaliko sya sa may likod ng bahay nila.

Hindi ako makatulog pagdating ko sa bahay. Hindi ko alam kung ano ang gumugulo sa isip ko. Bumangon ako at nagpunta sa may balkonahe. Habang nagyoyosi, napatingin ako sa may bintana ng lumang bahay. Nakita ko si Anna sa may bintana. Nakasubsob ang mukha nya sa kanyang kamay. Dahil tahimik na sa paligid at hindi naman kalayuan ang pagitan ng bahay nila sa bahay ng mga lola, naririnig ko ang kanyang mahinang iyak. Ramdam ko ang buhos ng kanyang emosyon sa kanyang pag-iyak. Unti-unti syang tumalikod at nawala na sya sa kadiliman ng kanilang bahay. Pumasok na din ako pagkatapos kong mag-yosi. Bukas ko na lang sya tatanungin kung bakit sya naiyak.

Kinaumagahan, nagkakape ulit ako sa may balkonahe. Nakita ko si Anna sa kanilang bintana. May kaunting ngiti sa kanyang labi at maaliwalas ang kanyang mukha. Nakatitig ako sa kanya pero mukhang hindi nya ako napapansin at bigla sya naglakad palayo sa bintana. Inubos ko agad ang aking kape at nagmadaling bumaba ng bahay. Baka sakaling magpunta sya sa kanilang bakuran. Paglabas ko sa may kalsada papunta sa kanila, nakita ko syang naglalakad papalayo sa kanilang gate. Sinundan ko sya sa paglalakad. Hindi pa naman kainitan ang sikat ng araw noon at madaming puno sa gilid ng daan kaya hindi rin masyadong mainit maglakad. Sinundan ko sya hanggang makarating kami sa isang burol sa hindi kalayuan.

“Anna!” tawag ko mula sa kanyang likuran. Tuloy-tuloy pa din ang kanyang paglakad at sumusunod pa din ako sa kanya.

“Anna, saglit.” tawag ko ulit sa kanya.

Tumigil sya sa ilalim ng puno. Nakangiti akong lumapit sa kanya. Nakangiti din syang humarap sa akin. Gaya ng dati, sumasabay sa haningin ang tuwid at mahaba nyang buhok pati na ang kanyang puting bestida.

“Nakita kitang umiiyak kagabi sa may bintana nyo sa taas. Bakit ka naiyak nun?” tanong ko sa kanya. Ngiti lang ang naging sagot nya.

Naupo sya sa damuhan sa ilalim ng puno. Umupo din ako sa tabi nya. Tahimik lang kami. Hindi ko na ulit sya tinanong dahil baka ayaw nyang pag-usapan. Nakatingin sya sa palayan sa makababa ng burol. Nakatingin lang ako sa kanya. Nun ko lang napagmasdan ng mabuti ang kanyang mukha. Simple ang kanyang ganda. Makinis ang maputi nyang balat. May kaunting tangos ang maliit nyang ilong at mapula ang makipot nyang labi.

Nakatitig ako sa kanya ng bigla syang magsalita.

“Pumunta ka sa bahay mamyang gabi. Hihintayin kita.” sabi nya

Dahil sa pagkagulat, hindi agad ako nakasagot. Bigla na lang syang tumayo at nagtatakbo pababa ng burol, papunta sa kalsadang lupa at paliko sa direksyon ng kanilang bahay. Tumayo din agad ako at patakbong sumunod sa kanya.

“Anna!” tawag ko sa kanya bago sya makaliko papunta sa kanilang bahay. Pero hindi na sya lumingon. Nawala na din sya sa paningin ko.

Pagkatapos ng hapunan, lumabas ulit ako ng bahay at nagyosi habang naglalakad papunta sa bahay nina Anna. Tumigil ako sa tapat ng bahay nila. Nakita ko sya sa ilalim ng punong mangga. Nakaupo at nakasubsob sa dalawang palad ang mukha. Parang naiyak na naman sya. Lumapit ako sa gate. Rinig ko ang kanyang hikbi. Kita ko rin ang paggalaw ng kanyang balikat.

“Anna” tawag ko sa kanya

“Anna” tawag ko ulit

“Anna!” nilaksan ko na ng kaunti ang tawag ko

Lumingon lang sya sa akin. Tumayo na sya at nagtatakbo sa likod bahay. Naiwan ako na nag-iisip. Nagtataka ako kung bakit sya umiiyak at bakit sya biglang nagtatakbo. Hindi ko alam kung napagtripan nya lang ako kaninang umaga kaya nya ako pinapunta sa kanila ngayong gabi. Umuwi na lang ako na iiling-iling at napapakamot sa ulo. Hindi ko maintindihan ang nangyari.

Habang nagluluto ng almusal si lola kinabukasan, naiispan kong itanong kung bakit hindi ko na ata nakikita ang mag-asawang may-ari ng malaking lumang bahay.

“La,” tawag ko

“Bakit?” sabay lingon ni lola

“Ah…” natigilan ako. Naisip kong maganda siguro kung dun sa matandang lalaking nagwawalis sa bakuran nina Anna ko na lang itanong yun. Mas masasagot pa siguro ako ng ayos nun at baka kasi magtaka ang lola kung bakit bigla ko na naman naitanong sa kanya.

“Ano pong ulam natin mamya?” tanong ko na lang

“Aba’y di pa nga tayo nakain ng amusal eh ulam na agad mamya ang gusto mo.” nangingit nyang sagot. “Ano ba ang gusto mo?” sunod nyang tanong.

“Ah… Sinaing na ayungin po sana. Miss ko na yung luto nyo nun eh.” sagot ko sabay ngiti.

“Sige.” sagot nya habang sinasandok ang sinangag.

Pagkatapos mag-almusal, pumunta ako kina Anna. Saktong nagwawalis ng bakuran ang matandang lalaki.

“Manong,” tawag ko sa matanda. Mukha naman syang mabait.

Lumapit sya sa may gate.

“Magandang umaga po. Ako nga pala po si David apo ni Aling Gloria. Taga dyan po ako sa katapatan nyong bahay.” pakilala ko sabay turo sa bahay ng mga lola.

Tumango naman sya at tumingin sa tinuro kong bahay.

“Kaibigan po ako ni Anna. Andyan po ba sya?” tanong ko

Binuksan nya ng kaunti ang gate at pinapasok ako.

“Tuloy ka utoy. Ako nga pala si Nestor.” pakilala nya.

“Gaano na ba kayo katagal magkaibigan ni Anna?’ tanong nya habang naglalakad papunta sa ilalim ng punong mangga.

“Mga tatlong araw pa lang po kaming magkakilala.” sagot ko “Pero dati ko pa po sya nakikita dito. Madalas po kasi akong magbakasyon dito eh. Nito lang po ulit ako nakapagbakasyon after 4 years. Busy po kasi ako nung college kaya matagal po ulit bago ako nakapagbakasyon dito.” dugtong ko.

Naupo sya sa mahabang upuan sa ilalim ng punong mangga. May lungkot sa kanyang mga mata.

“Hindi pa rin pala sya natatahimik” sabi ni Mang Nestor

“Ho?” taka kong tanong “Ano pong ibig nyong sabihin?”

Bumuntong hininga sya.

“Pamangking ko si Anna. Kapatid ako ni Carding, ang tatay ni Anna. Tatlong taon ko ng inaalagaan ang bahay na ito. Umalis na kasi sina Carding at Rosay. Pumunta na sila ng ibang bansa.” sabi ni Mang Nestor

“Apat na taon ang nakakaraan nung may makilala si Anna na isa ding bakasyonista sa kabilang barangay, si Paul. Nung minsang mapadaan dito si Paul, nakita nya si Anna. Nakipagkilala sya sa pamangking ko. Hindi nagtagal, niligawan nya ng palihim si Anna. Dahil alam ni Paul na hindi maaring makipagrelasyon sa iba si Anna, itinago nila ang kanilang relasyon. Mahal na mahal ni Anna ang lalaki at hindi nya pa din naman nakikita ang lalaking ipinagkasundo sa kanya ng kanyang magulang. Tuwing gabi, pagtulog na ang magulang ni Anna, nagkikita sila ni Paul dun sa may burol malapit sa may palayan. Tumagal din ng may isang taon ang kanilang relasyon.” kwento nya pa.

“Pagkalipas ng isang taon, nabuntis si Anna. Sinabi nya kay Paul na buntis sya. Sabi ni Anna na magtanan daw sila ni Paul. Pumayag si Paul at sinabing hintayin sya sa gabi. Nung gabing yun, nahintay si Anna dito sa ilalim ng punong mangga pero walang Paul na dumating. Mula nun, madalas makita si Anna ng kanyang magulang na naiyak sa may bintana sa itaas o dito sa ilalim ng punong mangga. Hindi sinabi ni Anna sa kanyang mga magulang na buntis sya dahil alam nyang ipinagkasundo sya ng kanyang magulang sa iba at dahil kahihiyan yun ng kanyang pamilya.” tuloy-tuloy nyang kwento

“Isang araw, nakita si Anna na nakasabit dito sa ilalim ng puno. Tatlong taon na ang nakakaraan. Nagpakamatay sya dahil hindi na sya binalikan ni Paul nung gabi ng kanilang usapan at dahil na rin sa kahihiyan. Dahil sa nangyari, umalis ang mag-asawa matapos ilibing si Anna. At ako na nga ang nag-alaga nitong lumang bahay nila.” dugtong pa ni Mang Nestor

Natigilan ako sa kwentong iyon ni Mang Nestor. Hindi ko alam kung ano ang magiging reaksyon ko. Natulala lang ako.

“Minsan, naririnig ko pa din ang hikbi ni Anna sa gabi. Lagi kong ipinagdarasal ang katahimikan ng kanyang kaluluwa.” sabi ni Mang Nestor

Hindi ako makapaniwalang multo pala ang nakikita ko sa bintana sa gabi. Kaya pala tuwing nakikita ko sya sa bintana ay parang meron syang hinihintay. Kaluluwa pala ni Anna ang nakikita ko sa ilalim ng punong mangga sa ilang gabi kong pagpunta sa tapat ng bahay nila at ang nakatabi ko sa may burol.

Pagkatapos kong marinig ang kwento ni Mang Nestor, nagpaalam na ako sa kanya.

Habang naglalakad pabalik kina lola, hindi pa rin ako makapaniwala sa narinig ko.

Pagdating ko sa bahay, kinuwento ko kay lola ang nangyari. Sinabi nya na gusto nya daw ikwento sa akin iyon pero lagi naman daw akong lumalabas ng bahay.

Pagkatapos ng isang linggo, bumalik na ako ng Maynila para mag-review para sa board exam. Dumaan muna ko sa simbahan para ipagdasal ang katahimikan ng kaluluwa ni Anna at nagpamisa na din ako.

Tuwing bumabalik ako sa bahay ng mga lola sa Bulacan, hindi ko pa rin maiwasang tumingin sa bahay nina Anna at lagi ko pa rin naaalala ang nangyari. Pero hindi ko na sya nakikita sa bintana at hindi ko na rin sya nakikitang naglalakad sa ilalim ng punong mangga habang sumasabay sa hangin ang kanyang mahaba at tuwid na buhol pati na ang kanyang puting bestida.

Natahimik na siguro ang kaluluwa ni Anna. Kung nasaan man sya ngayon, alam kong masaya na sya…

Advertisements

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s