Upuan

Naalala ko nanaman sya. Ilang taon na rin ang nakakalipas nung huli ko syang makita. Pero bakit hanggang ngayon hindi ko pa rin sya makalimutan? Siguro dahil masaya ang aming pinagsamahan. Naalala ko nung una kaming magkita, sa isang coffee shop malapit sa school ko.

Biyernes ng hapon, madaming tao sa coffee shop, mga galing school at trabaho. May mga mag-asawa, magkakakibigan, at magkasintahan. Sa may tabing bintana ako naupo, pangdalawahan. Nagbabasa ako ng libro noon ng may marinig akong boses,

“Ah, excuse me Miss. Pwedeng maki-share?”

Tiningnan ko sya at binigyan ng simpleng ngiti sabay tango.

“ Thank you.”

Sabi nya pagkaupo. Bumalik na ako sa pagbabasa ng libro, hindi ko na napansin kung ano ang kanyang ginagawa.

Pagkalipas ng ilang oras, tumayo na sya,

“Thanks Miss ha.”

Ngumiti lang ulit ako at tumango, bumalik ulit ako sa binabasa ko.

Pagkalipas ng tatlong araw, nandun ulit ako sa dati kong pwesto. Marami uling tao sa coffee shop. Kahit ganun, nakakapagbasa pa rin ako ng ayos kaya doon lagi ako pumupwesto sa tabi ng bintana.

“Hi Miss!”

Parang pamilyar ang boses.

“Pwedeng maki-share ulit?”

Matamis ang kanyang ngiti. Nginitan ko lang din sya at tumango ulit, at bumalik ako sa aking pagbabasa.

Pagkalipas ng ilang minuto, medyo napagod na ang mata ko, tiningnan ko sya, tatanungin ko sana ang pangalan nya pero may nakasaksak na earphones sa kanyang tenga, nagsa-sounds ata at may sinusulat. Tumayo na lang ako at umalis.

Isang araw, hindi sinasadya, napadaan ulit ako sa coffee shop na iyon, marami pa ring tao gaya ng dati. Wala akong maupuan ng makita ko na may bakanteng upuan sa may kabilang bintana. Mukhang nag-iisa lang nakaupo sa couch na yon. Lumapit ako, parang pamilyar ang pigura nya,

“Ah, excuse me,”

Tumingin sya sa akin. Sya nga ang lalaking madalas maki-share sa upuan ko.

“Pwedeng ako naman ang maki-share?”

Napatawa sya. Tumango sya at ngumiti din ako sabay upo. Bumalik sya sa kanyang ginagawa, nagbasa na din ako.

Makalipas ang ilan minuto, tinanong nya ako,

“Ilang beses na kitang nakaka-share sa upuan, hindi ko pa alam ang pangalan mo.”

“Bella” sagot ko. “Ikaw?”

“Edward.” Sagot nya. Napatawa ako, para lang sa pelikula,

“Joke! Michael.” Sabay abot ng kanyang kamay, nakipagkamay din ako.

“San ka napasok?”

“Dyan lang sa may Assumption.” Sagot ko. “Ikaw?”

“Fresh Grad sa U.P.” sagot nya.

“Saan? Sa Diliman?”

“Hindi. Sa Laguna.”

“Ah, sa Los Baños.”

“Hindi. Sa Pagsanjan.”

“May U.P. na pala dun?”

“Ah, University of Pagsanjan yung school.”

“Ah.” Napatawa kong sagot.

“Joke! Sa Diliman ako graduate. Hehehehe…”

“Hahahahahaha! Napakamabiro mo naman.” Sabi ko.

“Hindi naman, gusto ko lang magising. Wala na kasing lumalabas sa utak ko eh. Ano nga palang course mo?” Tanong nya.

“B.S. Bio”

“As in B.S. Biology?”

“Hindi. B.S. Bio-chemical engineering.”

“Weh? Di nga?”

“Oo. Pioneer class kami.”

“Ah. Kaya pala ngayon ko lang narinig yung course mo.”

“Ikaw? Anong course mo?” balik kong tanong sa kanya.

“B.S. Psych”

“As in Psychology?”

“Hindi. B.S. Psycho-Pathology. Study of bacteria and anti-bodies that affect the human behaviour.”

“Wow! Ngayon ko lang narinig yun ah? Pioneer class din kayo?”

“Ah, actually ako lang ang nag-enroll sa course na yun. Na-disolve din kaya nagshift na lang ako sa conservatory of music.”

“Talaga? E di magaling kang kumanta at tumugtog?”

“Hindi eh. Masyado palang conservative yung course kaya nag Business Management na lang ako.”

“Yun talaga ang course mo?” medyo naiirita ko na ring tanong.

“Oo.” Sagot nya.

Hindi na rin ako nagtanong pa dahil nagpaalam na sya.

“Sige ha. Una na ako, nice meeting you.” Huli nyang sinabi.

“Nice meeting you too.” Sabi ko na may kasamang ngiti.

Isang araw nang palabas na ako sa lobby ng school namin, may natanaw akong isang pamilyar na mukha. Si Michael. Bakit kya sya nandito? Natanong ko na lang sa sarili ko.

“Oy, Michael, kamusta? May kakilala ka pala dito?”

“Oo.” Tipid nyang sagot.

“Sino? Siguro sinusundo mo girlfriend mo noh?”

“Hindi ah. Ikaw kaya hinihintay ko.”

“Ha? Bakit naman?” pagtataka kong sagot.

“Ah wala. Naalala mo nung una tayong magkausap? Magaan kasi pakiramdam ko sa’yo nun eh. Parang feeling ko eh, madami tayong bagay na mapapagkasunduan.”

“Talaga?” pagkukumpirma ko.

“Oo naman. Ewan ko ha, pero iba kasi ang pakiramdam ko nun eh.”

“Eh san ba tayo pupunta?” naitanong ko na lang sa kanya.

“Ikaw? San mo ba gustong pumunta?”

“Kahit saan. Wag lang sa coffee shop ha.” Sabay ngiti.

“Uhm… Sige. Gusto mo ba ng fishball o isaw?”

“Sige dun na lang” sagot ko.

Nagpunta kami sa hilera ng mga nagtititnda ng fishball at isaw malapit sa may mall. Kumuha ng plastic cup, nilagyan ng mga tinuhog na fishballs at sumalampak ng upo sa isang tabi.

Nang susubo na ako ng tinuhog kong fishball, bigla syang nagsalita,

“Ang ganda nung formation ng ulap noh?”nakatingala sya, tumingin din ako.

“Oo nga, parang rabbit yung korte”

“Oo nga. Tingnan mo yung sa kabila,” sabay turo sa kabilang parte,

“Parang sirena, yun yung buntot nya tapos yun yung buhok at mukha nya.”

“Oo nga, magaling ka rin titingin ng mga cloud formations ha.”

“Hindi naman. Mahilig lang talaga ako sa mga ganito. Alam mo bang lahat ng nakikita mong cloud formation ay gawa lamang ng iyong imagination? Kung hindi ka magaling mag-imagine, kahit pa anong nakikita  mo eh ulap pa rin yan para sa’yo.”

Naisip ko, malalim din pala syang tao. Hindi tulad nung una naming pag-uusap na puro sya biro. Masarap syang kausap, may sense.

“Oh? Ubos na kinakain mo. Gusto mo pa?” tanong nya.

“Hindi, ayoko na. Busog na ako.”

“Sige. Bili na lang tayo ng gulaman.”

Mahilig din pala sya sa gulaman na madaming kulay.

“Madilim na ah. Hatid na kita, para makapagpahinga ka na. Malamang pagod ka sa school.”

“Wag na. Kaya ko naman umuwi eh” sagot ko

“Sige, sa sakayan na lang kita hatid.”

“O sige.” Pumayag na ako, malapit lang naman ang paradahan ng jeep eh.

Hinatid nya ko sa may paradahan nang jeep at nagpaalaman na kami.

“Salamat ha. Ingat ka.”

“Salamat, ingat ka din.” sabi nya.

Nakita ko syang nakatanaw sa sinasakyan kong jeep hanggang makaliko sa may kanto.

Makalipas ang ilang linggo, mula sa labas ng coffeeshop, nakita ko syang nakaupo sa may couch sa tabi ng bintana. Mag-isa, nagsa-sounds at parang may sinusulat.

“Michael, kamusta?” bati ko.

“Uy ikaw pala Bella,” sagot nya sabay tanggal ng earphone nya sa tenga.

“Share ka ulit?’

“Sige.” Sagot ko

“Ano nga palang sinusulat mo? Parang twing magkikita tayo dito eh nagsusulat ka ah.” Tanong ko sa kanya.

“Ah wala. Sinusubukan ko lang gumawa ng kanta.”

“Talaga? Songwriter ka pala.”

“Hindi naman. Mahilig lang. Kaya ako nag-conservatory of music dati para ma-develop kaya lang parang mas ayos kung natural lang, kasi puro fundamentals lang din naman eh kumbaga, kahit walang proper education about music basta may passion at puso ka sa music, kaya mong gumawa.”

“Natugtog din ako dati eh” sabi ko

“Talaga?” nakita ko ang pagkamangha at kislap sa kanyang mga mata

“Oo. Pagminsan lang pag wala akong magawa.”

“Galing mo naman. Sana makapag-jam tayo minsan.”

“Oo ba.” Sabi ko.

Marami pa kaming napagusapan tungkol sa musika at buhay-buhay. Dun ko nalaman na nagbabanda pala sya dati. Nasabi ko din sa kanya na gusto ko ring magkaroon ng banda. Madami kaming napagusapan at madami sya binitwang mga jokes. Kahit yung iba nyang mga hirit ay nakakatawa, sa ilang oras naming pag-uusap na iyon, nalaman ko na seryoso syang sira-ulo. May mga banat syang nakakatawa pero seryoso at may mga banat syang seryoso pero nakakatawa.

May lalim syang tao kahit makulit kausap. Ramdam ko ang bawat salita nyang binibitawan ay galing sa puso nya. Kahit mabiro syang tao, may lalim pa rin sya.

Nasundan pa ang mga pagkikita namin. Sinasadya o hindi sinasadya. Minsan pinupuntahan nya ako sa school, minsan sa dating tambayan lang, sa coffee shop.

Inabot kami minsan ng hapon sa pagtambay sa coffee shop, hindi kami nag-uusap nun. Nagbabasa ako habang sya ay nagsusulat, pero share pa rin kami sa upuan. Bigla syang nagyaya nun,

“Kain tayo” sabi nya.

“Saan?”

“Dun sa may bayan. Meron daw masarap na kainan dun eh. Gusto ko sanang subukan.”

“Sige.” Matipid kong sagot.

Lumabas kami ng coffee shop at naglakad papuntang bayan.

Nagkukwentuhan kami habang naglalakad. Mga simpleng bagay lang pero kung saan-saan napupunta. May mga topic kaming puro tawanan lang. Hinihingal na ako sa kakatawa. Magaan din ang pakiramdam ko sa kanya. Siguro tama nga sya, madami kaming bagay na napapagkasunduan. Hindi ako naiilang sa kanya. Sobrang natural ko pagkasama ko sya.

Hindi ko namalayan, nasa isang gotohan na pala kami. Masyado ata akong nalibang sa kwentuhan naming.

“Anong gusto mo?” tanong nya.

“Kahit ano.” Sagot ko.

Umorder sya ng goto, ulam at kanin. Habang kumakain kami, tuloy pa rin ang kwentuhan sa pagitan ng pagsubo at pagnguya.

Matapos kaming kumain, naglakad kami hanggang sa makarating kami sa park. Naupo kami sa may mga bleachers. Madilim ang paligid pero may mga posteng nagbibigay ng katamtamang liwanag sa paligid. Sumisikat na ang buwan nun.

“Ang ganda ng buwan” bigla nyang sabi. “masarap ipinta ng oil pastel yan tapos lalagyan mo ng effects yung ulap”

“Maganda din na charcoal ang gamitin dyan.” Sagot ko.

“Mahilig ka ding magdrawing?” tanong nya sa akin

“Pagminsan lang. Pagnatripan ko.”

“Talaga? Mahilig din ako magdrawing dati pero parang wala syang hilig sa akin.” Biro nyang sagot.

“Hahahaha!” corny yung joke nya pero natawa ako pa rin ako.

“Halika na. Medyo gabi na.” Aya nya sa akin. “di ba taga rito ka lang sa bayan?” sunod nyang tanong.

“Oo, bakit?” pagtataka kong tanong sagot.

“Baka pwede na kitang ihaitd. Tutal nandito na din naman tayo sa bayan.”

“Sige, malapit na naman yun dito.” Pumayag na din ako, gabi na din kasi tsaka medyo bitin ang kwentuhan namin.

Sarado na ang tindahan namin ng dumating kami sa bahay. Maaga kasi magsarado ang mga tatay.

“Pasok ka muna” aya ko sa kanya.

“Hindi na. Ayos na yung nalaman ko kung san kita pupuntahan pag gusto kitang kulitin. Hehehehe.”

“Sure, yun lang pala eh. Sige ha pasok na ako, salamat ulit. Ingat ka.”

“Salamat din.” tipid nyang sagot.

Isang araw, habang nanonood ako ng T.V., may narinig akong tumatawag sa labas,

“Bella… Bella…” isang pamilyar na boses

“Bella… Bella…” tama. Si Michael nga.

“Bella, may naghahanap sa’yo” tawag ng inay. “pasok ka utoy”

“Sige po.” Sagot ni Michael.

Lumabas ako ng bahay, “pasok ka.” Tumuloy naman sya sa bahay namin.

“Bakit ka napadaan?”

“Ah, may pinuntahan lang ako dyan sa may bayan kaya naisipan ko na din na dumaan dito.”

“Marunong ka bang magtono ng gitara?” tanong ko sa kanya.

“Oo, bakit?”

“Tamang-tama, wala sa tono ang gitara ko eh. Baka sakaling pwede mong itono.”

“Sure, yun lang pala eh.” Sabay abot nya ng gitara.

“Alam mo, matagal ko ng gustong matututong magtono ng gitara eh kaya lang, hindi ko talaga matutunan.”

“Madali lang naman. Dapat familiar ka sa tunog ng string. Yung taas tska yung sunod na string dapat magkatono.” Turo nya sa akin

“Saka ko na lang pag-aaralan, parang ang hirap eh.”

“Hahahaha! Sige, turuan na lang ulit kita minsan. May songhits ka ba dyan? Wala na yata akong alam sa mga kanta ngayon eh.”

“Teka lang, kunin ko.” Naghanap ako sa magazine rack ng songhits.

“Eto oh.” Sabay abot ko ng isang songhits. Binuklat buklat nya iyon, pag may nakikitang kanta, tutugtugin ang intro pero hindi naman tinatapos.

“Ano ngang tono nito?” tanong nya sa akin.

“Alin?” tiningnan ko ang tinuturo nya.

“ Itong “Use Somebody””

“Ohhh woohhoo ohhh hhoo ohhh woohhoo ohh hhoo…” kumakanta na ako habang tumutugtog sya.

“Ang galing mo palang kumanta,”  sabi nya pagkatapos ng kanta.

“Thanks.” Matipid kong sagot

“Siguro madami ka nang nagawang kanta.” Sabi nya sa akin

“Naku wala. May mga naisulat na ako dati pero parang ang pangit eh.”

“Asan na? Patingin. May tono na? Tonohan natin.” Sunod-sunod nyang sabi

“Naku naitapon ko na eh.”

“Sayang naman.” Sagot nya na may panghihinayang. “pag may nasulat ka ulit, pakita mo sa akin ha. Lagyan natin ng tono.”

“Sige” sabi ko na lang. Pagtapos pa ng ilang kanta, nagpaalam na sya.

“Alis na ako” paalam nya sabay tayo.

“Sige.” Tumayo na din ako. “Salamat ha. Ingat.” Sabi ko paglabas namin ng bahay.

“Salamat din sa tambay.” Sagot nya na may kasama pang ngiti.

Nasundan pa ang mga pagtambay namin, kwentuhan at kantahan. Pati na ang pagtotono ng gitara ko. Ilang beses nya na rin itinuro sa akin ang pagtotono ng gitara pero hindi ko talaga makuha. Isang araw, nagkita ulit kami sa coffee shop na iyon,

“May ipaparinig ako sa’yo,” sabi nya sa akin. Kinuha nya ang kanyang cellphone, ipinarinig nya sa akin ang isang kanta. Hindi ako pamilyar sa kanta, nun ko lang narinig.

“Ikaw ba ang gumawa nyan?” tanong ko.

“Oo. Pangit ng boses noh? Hehehe..”

“Okay lang pero hindi ko maintindihan ang lyrics eh.”

“Sa cellphone ko lang din kasi nirecord. Kasama ko yung isang barkada ko sa paggawa. Natripan lang namin.”

“Ang galing mo naman.”

“Hindi naman.” Pa humble nyang sagot.

“ May kanta ka na bang nagawa? Tonohan natin.” Sabi nya sa akin.

“Wala pa eh.” Tipid kong sagot.

“Ay may tanong ako sa’yo,” bigla nyang sabi, “ano ang sabi ng utot sa tae?”

“Hmmm.. ano?”

“Mauna na ako sa’yo. Hahahahaha!”

“Hahahahaha! Ma-mais-mais ka naman eh.”

“Anong mais?”

“Corny.”

“Hahahaha!” napatawa si Michael.

“Pare!” may tumawag kay Michael mula sa pintuan. Sabay lapit sa amin ng tumawag.

“Oy Charles!” bati ni Michael.

“Si Bella nga pala pare, kaibigan ko. Ito nga pala si Charles, Bella, barkada ko since highschool.”

“Hi!” nginitian ko lang si Charles at ngumiti din sya sa akin. Sumama sya sa upuan namin at nakipagkwentuhan. Tulad ni Michael, makulit din si Charles pero mas corny sya kaysa kay Michael. Mabait din tulad ni Michael kaya hindi ako nailang makipagkwentuhan.

Natapos ang araw na iyon sa pagpapalitan namin ng mga corny jokes at kwentuhan. Gaya ng dati, hinatid nya ako sa paradahan ng jeep kasama ang kaibigan nya.

Minsan, nagyaya syang gumala sa isang mall. Meron palang fireworks display sa mall ground ng gabing iyon.

“Gusto mong manood?” tanong nya sa akin.

“Sige, okay lang.” Sagot ko.

Maganda ang fireworks display. Isa palang pyromusical competition yun. Iba’t-ibang bansa ang kasali at may exhibition pa ang Pilipinas. Ang ganda at ang galing talaga ng pinoy.

“Ang galing noh?” sabi ko sa kanya, “sabay na sabay ang putok sa music.”

“Oo nga eh. Kinikilabutan nga ako sa galing.” Sabi nya.

Masaya ang araw naming iyon dahil nakapanood kami ng fireworks at nakatikim pa ako ng “day-old chick” na odd food para sa akin.

“Bella, thank you ha.” Bigla nyang sabi nung pauwi na kami.

“For what?” pagtataka kong tanong.

“For being my firend” sagot nya.

“Sus! Wala yun, yun lang eh.” Sabi ko na lang.

Minsang tumambay ulit kami sa park, habang pinagmamasadan ang mga bituin sa langit, bigla syang nagsalita,

“Ang galing noh? Pati pala mga bituin namamatay din.”

“Oo nga eh. Pero ilang daang taon din ang buhay nila.” Sabi ko pa.

“Sana pati tao ganun din. Alam mo bella, masaya ako at nakilala kita”

“Huh? Bakit naman?” tanong ko

“Kasi madami akong na-share sa’yo. Yung mga bagay na gusto kong i-share sa iba pero hindi ko magawa kasi hindi nila ako masakyan tulad mo. Sobrang cool mo kasi eh. Salamat ha.” Sabay tingin nya sa akin. Tumatagos sa katauhan ko ang kanyang mga mata. Damang dama ko ang mga salita nya nung gabing iyon. Nakita ko rin ang kalungkutan sa kanyang mga mata.

“Ano ka ba? Wala yun noh? Ikaw nga din eh, laging nakikinig sa akin. May problema ba?” tanong ko sa kanya. Bigla syang yumakap sa akin ng mahigipit, parang isang anak na matagal na nawalay sa kanyang ina.

“I’m dying.” Puno ng emosyon at garagal ang kanyang boses. Bumitaw sya sa pagkakayakap sa akin,

“I have a heart ailment. The doctor said I have a very small chance of surviving. It’s a very rare case and unfortunately, I’ve got it. I want to thank you for being my friend ‘coz we’ll never know when my life will end.” Sabi nya habang hawak ang aking mga kamay at nakatitig sya sa akin. Punong puno ng emosyon kanyang mga mata. May takot, panghihinayang at pasasalamat.

“Kaya mo yan.” Ang huli kong nasabi.

Bumitaw sya sa akin at muling tumingala sa langit. Hindi ko alam kung nakatitig sya sa mga bituin o nagtatanong sa nasa Itaas. Mula sa liwanag ng buwan, nakita ko ang mga munting patak ng luha sa kanyang mga mata. Parang mga ambon sa tag-araw. Hindi ko sya kayang tingnan. Kailangan kong pigilan ang sarili kong lumuha. Kailangan kong maging malakas dahil ngayon nya kailangan ng sandalan. Kailangan kong maging malakas para sa kanya.

Pinahid nya ang kanyang mumunting luha at inaya nya na akong umuwi. Naglakad kami ng walang imikan ngunit sya din ang unang bumasag ng katahimikan ng magbitaw sya ng joke. Naging magaan ang aming biruan hanggang makarating kami sa bahay. Parang wala syang binanggit sa akin na isang maselang bagay. Parang walang nangyari. Pagtapat sa bahay namin, nagpaalam na ako,

“Salamat ha. Ingat ka.” Sabi ko sa kanya na may kasamang ngiti. Bigla nya akong niyakap at hinalikan sa noo.

“Maraming maraming salamat sa’yo Bella,” Sabi nya. Alam ko pigil ang kanyang emosyon. Hinawakan nya ang aking mga kamay at pinisil ng kaunti, “Mag-iingat ka lagi.” Ngitian ko sya. Tumalikod na sya pagkatapos at naglakad papalayo.

Lumipas ang mga araw, hindi ko na sya natyetyempuhan sa coffee shop. Mag-isa akong umuupo sa couch na madalas kaming magshare. Lagi pa rin syang bakante pagdumadaan ako. Hindi ko alam kung nakaalis na si Michael sa upuan pagdating ko o hindi lang sya tumambay.

Makaraan ang isang buwan, habang nagbabasa ako sa upuan na iyon, may tumawag sa akin,

“Bella.” Si Charles pala.

“Charles, kamusta?” tanong ko

“Okay lang.” Sagot nya.

“Kamusta mo nga pala ako kay Michael ha. Pakisabi paramdam naman sya.” Sabi ko na may kasamang ngiti. Tumingin sa akin nang may pagtataka.

“Huh? Hindi mo ba alam?” takang tanong nya.

“Ang alin?” parang may namuong kaba sa aking dibdib.

“Patay na si Michael. Nung isang buwan pa,” Sagot nya sa akin.

Natigilan ako. Parang wala akong narinig. Hindi ko alam kung nagbibiro sya. Gusto kong papaniwalain ang sarili ko na nagbibiro sya.

“Biglaan nga eh. May sakit pala sya sa puso. Hindi namin alam. Kahit magulang nya nabigla eh. Masayahin kasi sya at hindi talaga halata na may karamdaman pala sya. Sige ha, una na ako sa’yo.” Paalam ni Charles.

Hindi ko na namalayan na wala na pala sya sa harapan ko. Naiwan akong tulala. Napaupo na lang ako. Naramdaman ko ang panghihina ng katawan ko. Hindi ako makapaniwala sa narinig ko. Pinilit kong isipin na panginip lang lahat ng narinig ko. Hindi ako makapaniwala na ang isang tao na puno ng pangarap tulad ni Michael ay mawawala ng ganun ganun na lang. Masayahin syang tao. Palabiro at puno ng pangarap. Hindi ako makapaniwala na iyon na pala ang huli naming kwentuhan. Huling biruan,huling tawanan. Iyon na pala ang huli naming pagkikita. Iyon na pala ang huling beses kong maririnig ang masarap nyang tawa at ang may pagkabakla nyang boses. Iyon na pala ang huling yakap nya sa akin at huling hawak nya sa akin. Iyon na pala ang huli ng lahat sa amin. Pero alam ko sa puso ko na hindi doon magtatapos ang pagkakaibigan namin.

May limang taon na pala ang nakakalipas ng mawala si Michael. Pero tulad ng mga nagdaang taon, naaalala ko sya twing sasapit ang buwan na ito. Ang buwan ng huli naming pagsasama, pagtambay, kwentuhan, tawanan, biruan. Ang mga huling alaala ng mga nakaraang masaya. Siguro marami akong hindi nasabi sa kanya. Hindi ata ako nakapagpasalamat sa kanya dahil nakilala ko sya. Pero alam ko kahit nasaan sya ngayon, masaya sya at pinagpapatuloy nya ang kanyang mga pangarap. Alam kong maririnig nya ako kung magpapasalamat ako sa kanya. Salamat sa’yo kaibigan.

Gaya ng mga nagdaang taon, naalala ko sya tulad dati. Hindi ako nanghihinayang na nawala sya dahil alam kong naging masaya kami sa maikling panahon naming pagsasama. Gaya ng mga nagdaang taon, nakupo ako sa upuan na madalas naming pagsaluhan ng kwento at tawanan at mga pangarap. Gaya ng dati, naaalala ko sya ngayon habang nakaupo sa paborito naming upuan kasabay sa pagalala ng mga masasaya naming alaala. Maraming salamat sa mga masasayang alaala, tunay kong kaibigan. 🙂

Advertisements

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s